SUMAKABILANG BUHAY na ang aktor at dating senador na si Ramon Revilla Sr. sa edad 93.
Mismong si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang naghayag ng balita sa kanyang Facebook live ngayong hapon.
“Wala na po ang tatay ko, please pray for him,” emosyunal na pahayag ng senador.
Sa Facebook Live din ipinakita ni Senator Revilla ang eksena sa hospital room matapos pumanaw ang ama.
Noong May 31 ng gabi nang isugod sa ospital ang nakatatandang Revilla matapos makaranas ng hirap sa paghinga.
Ilang araw din itong namalagi sa ICU ng St. Luke’s BGC bago inilipat sa regular room noong June 14 nang bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.
Naging senador noong 1992 hanggang 2004 si Revilla Sr. pero bago ito ay aktibo siya sa showbiz bilang action star at kilala sa tawag na “Hari ng Agimat” dahil sa kanyang mga pelikula kung saan gumaganap siya na may anting-anting.
