IPINATAWAG ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) casino managers kasunod ng report na nakarating sa Manila City Hall na nagsisimula na silang mag-operate kahit nasa ilalim pa ang lungsod ng general community quarantine.
Nabatid na inatasan ni Mayor Moreno si Office of Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) chief P/Major Jun Ibay para personal na magtungo sa mga casino at kausapin ang mga namamahala rito.
Ayon kay Ibay, pinatawag ng alkalde ang mga casino managers sa Manila.
“Pinagsabihan ni Yorme na bawal pa mag-operate ang casino under GCQ.“
Inihayag naman ni City chief of staff Cesar Chavez na habang kinakausap ni Mayor Moreno ang 3 PAGCOR officers ay tumawag si Chairman Andrea Domingo para magpaliwanag.
Ayon umano kay Domingo, iyong reported na casino operations nitong mga nakalipas na araw ay para lang daw sa stress test ng kanilang machines.
Sinasabing hinayaan ng pamahalaang lungsod na pumasok ang mga empleyado ng PAGCOR para lamang magsagawa ng stress test ng kanilang gaming machines. (JESSE KABEL)
