NAPASO na rin ang huling tsansa ng ABS-CBN matapos hindi kumilos ang mga kongresistang sumusuporta sa panibagong prangkisa ng mga ito kaya tuluyan nang naging pinal ang botohan sa House committee on legislative franchise na nagbasura sa franchise application ng nasabing network.
Ito ang napag-alaman ng mga mamamahayag kay Palawan Rep. Franz “Chikoy” Alvarez, chairman ng nasabing komite matapos mabigo ang mga kongresistang naghain ng mga panukalang bigyan ng panibagong 25 taong prangkisa ang ABS-CBN, na maghain ng Motion for Reconsideration.
“Wala pong nag-move ng motion for reconsideration. After 24 hours tapos na or lapsed na,” ani Alvarez dahil base sa House rules, maaaring maghain ng MR ang sinoman mga bumoto pabor sa prangkisa ng ABS-CBN.
Base sa resulta ng botohan noong Hulyo 10, 2020 sa prangkisa ng ABS-CBN, 70 ang sumuporta sa Technical Working Group (TWG) Resolution na nag-deny sa panibagong prangkisa ng nasabing network.
Umaabot naman sa 11 congressmen na kinabibilangan nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, Minority Leader Bienvenido Abante, Reps. Sol Aragones, Toff de Venecia, Gabriel Bordado, Vilma Santos-Recto, Linda Bolilia, Ping Tejada, Mujiv Hataman, Edward Maceda at Marikina Rep. Estella Quimbo.
Dalawa naman ang nag-inhibit sa katauhan nina Quezon City Rep. Alfred Vargas at Nueva Ecija Rep. Micaela Violago at nag-abstain si Ako Bicol party-list Rep. Afredo Garbin.
Hindi naman bumoto ang dating news anchor ng ABS-CBN na si Antique Rep. Loren Legarda at bilang tradisyon, hindi bumoto sina Alvarez at House Speaker Alan Peter Cayetano dahil kailangan lamang ang boto ng mga ito kapag nag-tie ang botohan.
Ayon kay Alvarez, dahil walang naghain ng MR, pinal na ang desisyon ng kanyang pinamumunuang komite na nagbabasura sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa kanilang bagong prangkisa. (BERNARD TAGUINOD)
193 