People’s initiative sa ABS-CBN franchise labag sa batas DRILON SUPALPAL KAY SOTTO

IGINIIT ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na labag sa Konstitusyon na padaanin sa “people’s initiative” ang pagbibigay ng 25-taong prangkisa sa ABS-CBN Corporation. Ani Sotto, “I doubt if it’s possible. A private bill is mandated by the Constitution to be exclusively under the House of Representatives…The proponents should first check on the Constitution.”

Reaksyon ito ng beteranong senador sa opinyon ni Senador Franklin “Frank” Drilon na “people’s initiative is an available remedy” upang maisulong ang pagbibigay ng prangkisa ng ABS-CBN.

Inilabas ni Drilon ang kanyang opinyong legal makaraang “patayin” ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability ang aplikasyon ng ABS-CBN Corporation hinggil sa panibagong 25 taong prangkisa nito.

Natapos ang buhay at legalidad ng 25 taong prangkisa ng ABS-CBN nitong Mayo 4 na ibinigay noong 1995.

Si Drilon na kababayan ng pamilya Lopez ay hindi maipagkakailang solido ang suporta sa ABS-CBN na manatili ito hanggang sa susunod na 25 taon.

Ngunit, sa loob ng termino ni dating Pagulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III kung saan kontrolado nito at ng Liberal Party (LP) ang Kongreso ay hindi pumasa ang hinihinging 25 taon pang pagpapalawig o “renewal” ng prangkisa ng ABS-CBN Hindi rin nagpursige ang pamilya Lopez at pamunuan ng ABS-CBN Corporation na ipanalo ang prangkisa habang si Aquino ang pangulo ng bansa.

Kaibigan ng mga Lopez ang mga Aquino.

Idiniin naman ni Presidential Spokesman Harry Roque Jr., na nakasaad sa Saligang Batas at Republic Act No. 7925 na ang prangkisa ng kumpanya ng media at public utilities ay ibibigay ng Kongreso (mula Kamara de Representantes patungong Senado hanggang lagdaan ng pangulo ng bansa ang panukalang batas nito).

Ayon kay Drilon, lahat ng panukalang batas ay maaaring idaan sa people’s initiative upang maipasa ito, alinsunod sa itinakda ng Konstitusyon.

Batay sa Republic Act No. 6735 o “Initiative and Referendum Act of 1989,” sa konseptong people’s initiative ay ihahanda ng Commission on Election (Comelec) ang puwersa nito at kakailanganing pondo upang maipatupad ang nasabing hakbang.

Sampung porsiyento ng kabuunang bilang ng mga botante at tatlong porsiyento ng bawat kabuuang bilang ng bawat legislative district ang kailangang lumahok sa people’s initiative.

Duda si Sotto kung mayroong pera ang Comelec para maglunsad ng people’s initiative.

Nauna nang sinabi ng Malakanyang na bahala na ang Korte Suprema sa usapin ng pagbibigay ng prangkisa sa media giant network na ABS-CBN Corporation matapos sabihin ng ilang grupo kabilang si Drilon na ‘feasible’ ang people’s initiative para buhayin ang franchise bill ng nasabing kompanya.

Nasa 61.8 milyon ang rehistradong botante noong 2019 elections at may 243 na distrito.

Ibig sabihin, kailangan ng 6.18 milyon na lagda para sa petisyon.

Pero maraming haharaping balakid ang people’s initiative, ayon kay dating Comelec commissioner Gregorio Larrazabal.

Unang-una kasing gagawin ng Comelec ay kukumpirmahin muna ang lagda bago magsagawa ng national referendum.

“How do you verify the signatures of so many millions of voters at this time?” ani Larrazabal.

Sa tantiya ni Larrazabal, aabot sa P6 bilyon ang kakailanganin para sa referendum.

Pero ayon sa nagsusulong sa people’s initiative, minsan nang nagdesisyon ang Korte Suprema tungkol dito.

“The Supreme Court said that the Comelec cannot refuse an invocation of people’s initiative on the ground of lack of budget. They have to use whatever budget they have for purposes of implementing the law on people’s initiative,” ani Dela Cruz.

Para naman kay Larrazabal, baka mas mainam na ituon ang pansin sa voters’ education para masigurong ipaglalaban ng mga ihahalal na opisyal ang adbokasiya ng mga tao. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)

183

Related posts

Leave a Comment