INILARGA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang seminar laban sa mga militanteng grupo na katulad ng ginawa ni dating Army Gen. Jovito Palparan noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kasabay nito, binakbakan ng militanteng grupo sa Kamara ang DSWD dahil imbes na ipokus ang kanilang atensyon sa pagtulong sa mga taong apektado sa COVID-19 pandemic ay inuubos umano ng mga ito ang kanilang oras para sirain at i-red tag ang mga kritiko ng gobyerno.
Ginawa nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate at Eufemia Cullamat ang nasabing pahayag matapos maglabas si DSWD Usec. Rene Glen Paje ng memorandum para sa “Knowing the Enemy” seminar.
“It appears now that they are using an updated version but still based on the convicted Jovito Palparan’s rabid kill, kill, kill philosophy,” ani Zarate gayung hindi kaaya-aya umano ang performance ng DSWD sa pagtulong sa mga pamilyang apektado sa COVID-19.
Ang DSWD ay kasisimula pa lamang sa second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) 2 na pinuna ng mga mambabatas dahil sa kabagalan subalit maglulunsad umano ang mga ito ng ten session seminars sa loob ng isang buwan.
Pinanguhanan umano ang seminar ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagsimula noong Hulyo 7 na ayon kay Zarate ay “clearly made to vilify and redtag critics of the administration and in preparation for a terror law induced massive crackdown”.
Naniniwala ang mga nabanggit na mambabatas na ang seminar na ito ay bahagi ng preparasyon para sa pagpapatupad ng anti-terror law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
“Nasa kalagitnaan pa tayo ng pandemya kaya hindi nila dapat ginagawa ang ganitong mapanirang aktibidad. Halos kasisimula pa lang ng pamimigay ng second tranche ng Social Amelioration sa
mga biktima, napakarami pa rin ng naghihikahos, ito pa ang inuuna nila, maglunsad ng webinar na lumalabag pa sa karapatan ng mga tao sa gitna ng pandemya,” ayon naman kay Cullamat.
Indikasyon umano ito na hindi prayoridad ng DSWD na tulungan ang mga biktima ng COVID-19 lalo na aniya ang mga katutubo at magsasaka na malimit inaakusahang mga kalaban ng gobyerno dahil sa pakikipaglaban ng mga ito para sa kanilang karapatan. (BERNARD TAGUINOD)
255
