Land title gawang Recto – Marcoleta ABS-CBN ‘ISKWATER’ SA JUSMAG PROPERTY

INILUTANG ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na posibleng ilegal ang pag-okupa ng ABS-CBN sa lupang pinagtayuan nila ng kanilang tanggapan sa Bohol Avenue, Quezon City.

Base sa obserbasyon ni Marcoleta, tila iniiwasan ng pamunuan ng ABS-CBN ang isyu dahil mula sa orihinal na 400 square meter ay naging 44,000 sqm ang lupang okupado nila.

Ang naturang lupa ay dating pag-aari ng Joint US Military Assistance Group (JUSMAG).

Kinompronta na ang mga opisyal ng kumpanya sa nasabing isyu sa pagdinig ng kanilang prangkisa ukol sa TCT No. 115702 na kanilang isinumite sa Kamara dahil bukod sa 400 sqm lamang ito ay may kakambal pa subalit wala aniyang malinaw na sagot ang ABS-CBN dito.

“Ang nakapagtataka, bakit nung sabihin namin yun kahit isang salita hindi sila nagsalita? Parang natameme, parang napipi. Hanggang ngayon sa social media wala man lang silang sagot pagka ang pinag-uusapan natin yung titulo nila,” ani Marcoleta.

“Ang conclusion lamang dito, yung dala-dala nilang titulo ay pinagawa lang  sa Recto yan,” dagdag pa ni Marcoleta kaya lalong lumalakas ang hinala ng mga ito na ilegal na inokupahan ng ABS-CBN ang lupang pag-aari ng JUSMAG.

Pag-aari na aniya ng gobyerno ng Pilipinas  ang nasabing lupain ng JUSMAG simula noong 1992 matapos maging batas ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Dahil dito, ipagpapatuloy ng House committee on good government and public accountability ang imbestigasyon sa isyung ito upang malaman ang katotohanan. (BERNARD TAGUINOD)

389

Related posts

Leave a Comment