SIKMURA NG OPISYALES NG PHILHEALTH, DI KAYANG BUSUGIN?

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NAKAKAIRITA at lubhang nakakainis ang maraming kabalastugan ng mga opisyales ng PhilHealth na natuklasan ng ating Senado.

Sa inisyal na imbestigasyon ay tila tuluyang mababangkarote ang PhilHealth dahil sa daming maanomalyang mga proyekto na katulad ng pag-overpriced na proyekto para sa overprice

Information and communication Technology (ICT) Budget na aabot diumano sa 734 milyon piso ayon kay PhilHealth Board member Alejandro Cabaling.

Kung ikukumpara sa mga presyo ng Information System Strategic Plan (ISSP) na aprubado ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay sobra-sobra talaga ang “bukol” na idinadagdag ng mga miyembro ng “Mafia”.

Katulad ng mga Adobe Master collection software na dapat sana ay nagkakahalaga lamang ng 168,000 piso sa merkado ngunit sa presyong  gustong bayaran ng “mafia” ay umabot diumano ito sa 21 ­milyon piso.

Samantala ang mga application servers and licenses ay umabot sa 40 milyon piso, gayung ang totoong presyo ayon sa ISSP ay nagkakahalaga lamang ng 25 milyon piso. Gayundin ang structure cabling na nagkakahalaga lamang ng 500,000 sa merkado ay ibig pagkagastusan ng halos 5 milyon piso.

Habang ang identity ­management software na nagkakahalaga lamang ng 20 milyon sa merkado ay ibig pagkagastusan ng 42 milyon piso. Kasama rin sa pinabukol na halaga ang gastusin para sa

Office Productivity software na dapat sana ay aabot lamang sa 5 milyong piso sa merkado, ngunit nalagyan ng presyo na umabot sa 21 milyon piso.

Ilan lamang ito sa napa­karaming mga proyektong ­sobrang pinapabukol ng mafia sa PhilHealth na talaga namang malinaw na pagwawaldas ng pera ng mga miyembro ng nasabing insurance company.

Ngunit ang lalong nakaka-inis na malaman ay ang sangkaterbang mga posisyon o opisyales na sobrang taas ng mga sweldo. Katulad halimbawa ng President & CEO nito na umaabot sa 2,597,250 ang sweldo kada taon.

Habang ang Executive Vice president & COO ay may sweldong 2,365,223 kada taon at ang 7 Senior Vice President ay may sweldong aabot sa 2, 351,538 kada taon ang bawat isa. Habang ang 9 na

Vice Presidents ay may sweldong aabot sa 2,007,986 kada isa sa bawat taon.

Maliban sa 7 Senior Vice President at 9 na Vice presidents ay mayroon din itong 14 na Assistant Vice President na may sweldong aabot sa 1,675,478 kada taon ang bawat isa.

Sa laki ng mga sweldo at benepisyo ng mga opisyales na ito, napapaisip tuloy ako kung bakit kinakailangan pa nilang magsamantala sa pera ng mga miyembro gayun ang kanilang natatangap na sweldo at benepisyo ay sapat na para bumuhay ng pamilya na marangya.

Hindi nakakapagtaka na isa-isang magkakaroon ng bukol sa katawan ang mga taong ito dahil sa ginagawa nilang pagpapa-bukol sa mga proyekto at reimbursement. Mistulang hindi kayang busugin ang sikmura ng mga taong ito na pati ang mga OFW ay gustong gatasan.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin  sa e-mail  address  saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa  (02)84254256.

140

Related posts

Leave a Comment