ALAMAT NI MANNY PACQUIAO

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

 

WALANG sinumang boksingero, sa ­kasaysayan ng sport ng sweet science, ang nanalo ng pandaigdigang kampeonato sa walong dibisyon maliban sa Pilipinong si Manny Pacquiao.

Isang kahangahangang katuparan para sa isang boksingerong nagsimulang lumaban bilang pro sa dibisyon ng 106 libra noong 1995. Nagwagi ng unang titulo sa 112 libra noong 1998 at nagpatuloy para makoronahan din sa 154 libra noong 2010.

Ang ama ng limang supling sa kanyang maybahay na si dating Sarangani Vice Gov. Jinkee ay dapat sanang pagharian hindi lamang walong dibisyon kundi 10 kung pinili niyang kumampanya sa junior-bantamweight at bantamweight.

Nilampasan niya ang dalawang kategoryang ito para pagharian din ang junior-featherweight.

Ngayong taong ito ang ika-25 anibersaryo ni Manny bilang pro at kung makalalaban siya bago matapos ang 2020, ito ang magiging ika-72 laban ng senador ng Pilipinas upang maiangat ang kanyang 63-7 panalo-talong rekort na tinatampukan ng 39 KO.

Sa buong 24 taong karera niya bilang ­boksingero, nakapagdagdag ang dating ­congressman ng 47 libra sa sinimulan niyang 106 para marating ang 154 librang dibisyon laban sa noon ay nagtatanggol na kampeong si Antonio Margarito noong 2010.

Nagsimula si Manny bilang pro noong Enero 22, 1995 kung kalian ay lumaban siya at nanalo kahit tumimbang lamang siya ng 98 libra. Kulang siya ng pitong libra sa takdang timbang kung kaya’t kinailangan niyang magsilid ng barya at maliliit na bato sa kanyang bulsa para makuha ang takdang timbang.

Sa edad na 41, at kung makakakuha ang ­kanyang promoter ng laban bago siya tumuntog sa kanyang 42 gulang sa Disyembre 17, ang ama nina Jimwell, Michael, Queenie, Princess at ­Israel ay madaragdagan ang pamanang iiwan kung sakaling magreretiro siya.  Kulang lang ng tatlong taon sa record ni dating heavyweight champion Gerorge Foreman na nabawi ang kanyang korona sa edad na 45 noong 1994. Para sa mga hindi pa nakakaalam, si Pacquiao ang ­unang ­boksingerong naputungan ng korona bilang kampeon ng limang lineal division at kauna-unahan din sa kasaysayan na nagwagi ng sinturon sa apat na weight division na tinaguriang “Glamour” divisions – flyweight, featherweight, lightweight at welterweight.

Matagal din niyang hinawakan ang karangalang “best active pound-for-pound boxer in the world” na iginawad ng halos lahat ng ­sporting news at boxing websites, kasama ang ESPN, Sport

Illustrated, Sporting Life, Yahoo Sports, About.com, BoxRec, at The Ring magazine mula noong umakyat siya sa lightweighrt.

Ang atin ding si Manny ang kinilalang longest reigning top-ten active boxer sa listahan ng Ring’s pound-for-pound.

Marami ang nagsasabi na laos na raw si Manny, pero hindi maikakailang nananatili pa rin siyang isang de kalidad na boksingero na may pinakamalaking pangalan sa sport.

Father Time, wika nga, ay ‘di kailanman matatalo kung kaya gaya ng madalas kong sabihin, bakit hindi na lamang natin lasapin ang maraming mga kahanga-hanga at kapanapanabik na naidulot sa atin ni Manny habang siya’y lumalaban pa dala ang ating bandila sa dahilang wala naman nabubuhay ng habang panahon.

224

Related posts

Leave a Comment