SASAGUTIN ng pamahalaan ang bookings ng ilang hotel rooms at dormitoryo para madagdagan ang isolation centers para sa COVID-19 patients habang pinalalakas ang contact tracing efforts.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang plano ng pamahalaan na gamitin ang ilang public school bilang quarantine facilities ay maghihintay muna sa pagpasa ng Bayanihan to Recover as One Act dahil kakailanganin ang pondo.
Aniya, kailangan kasing bumili ng pamahalaan ng mga kama, beddings at mga kailangan sa kusina ng public schools bago ito magamit sa isolation ng COVID-19 patients.
Sinabi ni Sec. Roque na nakapag-book na rin ang pamahalaan ng mga hotel room habang hindi pa magamit ang mga ito dahil walang turismo.
Aniya, maging ang drug rehabilitation center sa Fort Magsaysay sa Nueve Ecija ay gagamitin munang isolation area bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na makapag-provide ng isolation nang hindi na kailangang magpatayo ng bago.
Binigyang-diin ni Sec. Roque na dahil sa mas maayos na contact tracing ngayon ay nangangailangan ng mas maraming isolation facilities ang gobyerno. (CHRISTIAN DALE)
150
