P166.5-B Bayanihan 2, oks na sa Bicam P10-B DAGDAG PONDO SA PHILHEALTH

NAGKASUNDO ang Bicameral Conference Committee (Bicam) ng dalawang kapulungan ng Kongreso na gawing P166.5 bilyon ang pondo ng mungkahing Bayanihan to Recover as One Act na gagastusin ng administrasyong Duterte upang umarangkada ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakadapa nito dulot ng hagupit ng corononavirus disease 2019 (COVID -19).

Ang Bayanihan to Recover as One, o Bayanihan 2, ay karugtong ng Bayanihan to Heal as One Act na nagtapos ang bisa nitong Hunyo 5.

Ayon sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, nagkaisa ang mga kinatawan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na ang bersyon ng Kamara de Representantes na P162 bilyon ang “stimulus economic package” na gagastusin ng pamahalaan.

Pero, dinagdagan pa ito ng Bicam ng P4.5 bilyon, kaya P166.5 bilyon lahat.

Nangangahulugang hindi  tinanggap ng Bicam ang gusto ng Senado na P140 bilyon lang.

Pero, ayon sa impormasyon ng Saksi Ngayon, P140 bilyon lang muna ang papayagang ilabas ng administrasyong Duterte.

Ang balanseng P26.5 bilyon ay magsisilbing “standby fund” na gagamitin lamang kung kailangan pa ng pondo ng alinmang kagawaran.

Sa P166.5 bilyon, P10 bilyon ang inilaan ng mga senador at kongresista sa kontrobersiyal na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang mga opisyal ng PhilHealth na pinangungunahan nina Health Secretary Francisco Duque III at retiradong heneral na si Ricardo Morales ay pangunahing binabatikos ng mamamayan dahil sa
walang tigil na garapalang korapsyon at pandarambong sa PhilHealth.

Inimbestigahan ng Senado at Kamara ngayong Agosto ang PhilHealth kung saan nailantad sa publiko na P154 bilyon ang nawalang pera rito mula 2014 hanggang 2018.

Hiwalay pa ang P15 bilyon na sinasabing nalimas ng mga mandarambong sa PhilHealth sa panahon ni Morales.

Nagsimula bilang pangulo at chief executive officer (CEO) ng PhilHealth si Morales noong Hulyo 2019.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Morales sa PhilHealth dahil sa “mindset” na hindi korap ang mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasama rin sa P166.5 bilyon ang P10 bilyon para sa pinalawig na COVID – 19 swab testing, P10 bilyon, P10.5 bilyon para hiring ng karagdagang healthcare workers at P4 bilyon ang inilaan sa
pagpapatayo ng quarantine at isolation facilities.

Makatatanggap din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P20 bilyon para muling pondohan nito ang proyektong “cash-for-work” at “Tulong Panghanapbuhay sa Ating
Disadvantaged/Displaced Workers” (TUPAD).

Ang iba pa ay P51 bilyon sa government financial institutions (GFIs), P20 bilyong ayuda sa Department of Agriculture (DA), P10 bilyon sa sektor ng pampublikong transportasyon at P10
bilyon din ang ibibigay sa Department of Tourism (DOT). (NELSON S. BADILLA)

157

Related posts

Leave a Comment