PROOF OF LIFE RULE NG GSIS, SSS PINABABAGO

UPANG hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga senior citizen, pinababago ng isang mambabatas sa Kamara ang “Proof of Life” rule ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).

Ginawa ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang nasabing panukala dahil patuloy na ipinatutupad ng GSIS at SSS ang nasabing patakaran kahit ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.

Base sa nasabing patakaran, lahat ng mga pensioner sa GSIS at SSS ay kailangang magpakita nang personal sa kanilang tanggapan tuwing kaarawan ng mga ito bilang patunay na buhay pa ang mga ito.

Nauunawaan umano ng mambabatas ang kahalagahan ng patakarang ito upang matiyak na matigil na ang pagbibigay ng pensyon at iba pang benepisyo sa mga patay na miyembro.

“But at this time of pandemic, it is unsafe for pensioners, who by the way are senior citizens, to go out of their homes and report to the GSIS or SSS office nearest them,” pahayag ng mambabatas. Maliban dito, ipinagbabawal din aniya ng inter-agency task force (IATF) on COVID-19 na lumabas ang mga senior citizen dahil kabilang ang mga ito sa vulnerable sa nasabing virus.

Dahil dito, ipinanukala ng kongresista na gamitin na lamang ng GSIS at SSS ang makabagong teknolohiya lalo na ang social media para sa proof of life ng kanilang mga pensyonado.

Maaring magsumite aniya ng picture ang mga senior citizen na may hawak na diyaryo sa araw na kinunan ang larawan para patunayan na sila ay buhay pa at kailangang ituloy ang kanilang pensyon.

“Let’s not burden our pensioners with asking them to go to a GSIS or SSS branch for proof of life, at least while this infectious virus is with us, when there are other ways of verification,” ayon pa kay Castelo. (BERNARD TAGUINOD)

174

Related posts

Leave a Comment