ISANG malaking hamon sa Kongreso ang pagbibigay ng malaking pondo sa sektor ng edukasyon sa bansa sa gitna ng recession na bunga ng pandemya sa coronavirus disease 2019.
Ito ang pahayag ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles, ilang linggo bago simulan ng House committee on appropriation ang pagdinig sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng
P4.5 Trillion.
Si Nograles ay katatalaga lang bilang bagong “technical panel member in the fields of public administration and agriculture” ng Commission on Higher Education (CHED).
Magugunitang bumagsak sa 16.5 percent ang ekonomiya ng Pilipinas sa second quarter ng taong kasalukuyan dahil sa COVID-19 kaya nakararanas ngayon ang bansa ng krisis sa ekonomiya.
Dahil dito, bukod sa sa edukasyon ay kailangan pagkasyahin ng iba pang mga sektor ang nagkukulang na resources.
Napilitan din aniya ang bansa na baguhin ang paraan ng edukasyon sa sitwasyon kung saan ay hindi na matatakasan ang realidad ng distance learning dahil sa pandemya.
Sanhi nito, sinabi ni Nograles na kailangan ngayon ang creative na paraan at ang paggawa ng national strategy na pwedeng maipatupad sa lalong madaling panahon.
Tiniyak din ng House Assistant Majority Leader na si Nograles na hahanap sila ng ibang paraan para makuha ng sektor ng edukasyon ang kinakailangan nitong pondo, lalo na at naitalaga siya bilang bagong technical panel member sa public administration and agriculture ng CHED. (BERNARD TAGUINOD)
326 