Leni umepal, binalaan sa maling pahayag HUWAG MO SIRAIN ANG PILIPINO – DUTERTE

Ni NELSON S. BADILLA

 

INUPAKAN na naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bise Presidente Ma. Leonor “Leni” Robredo – sa pagkakataong ito ay tungkol sa mga ideya ng huli kung paanong maisasalba ang ekonomya ng bansa habang hindi pa natatapos ang pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinagsabihan ni Duterte si Robredo na “You will just destroy [the] government. Huwag ninyong sirain ang gobyerno kasi masisira ang tao.”

“‘Pag nasisira ang gobyerno, lulutang tayong lahat, maski na sabihin ninyong mamatay ako bukas, it cannot solve the problem of the country,” patuloy ni Duterte.

Ipinunto ni Duterte na huwag maglabas ng pananaw ang mga politikong bahagi ng oposisyon, mas kilala sa tawag na “dilawang” puwersa, lalo na si Robredo na pangalawang pangulo ng bansa nang walang basehan.

Ang pag-upak ni Duterte kay Robredo nitong Lunes ay reaksyon ng pangulo sa suhestiyon ng huli na bigyan ng administrasyong Duterte ng P5,000 bawat isa sa 10 milyong Filipino sa loob ng apat na buwan upang mabuhay sa panahon ng COVID-19.

Hiniling din ni Robredo na kuning COVID-19 contact tracers ang mahihirap na Filipino, resolbahin ang suliranin sa kawalan ng trabaho, tulungan ang mga negosyante na makalipat sa digital/online sales platform, tulungang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga overseas Filipino worker (OFW), paglalagay ng cellular sites sa mga lalawigan at bayan na walang internet signal, itaas ang sahod ng health workers, ayudahan ang mga magsasaka at mangingisda at iba pa.

Kung rerebyuhin ni Robredo ang mga proyekto at ginagawa ng pamahalaan ay mapagtatanto niya na ang lahat ng kanyang binanggit ay sinimulan nang asikasuhin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Halimbawa, ang ayudang P5,000 ay pasok sa P20 bilyon parte ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mungkahing P166.5 bilyon ng Bayanihan to Recover as One para muling pondohan ang proyektong “cash-for-work” at “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers” (TUPAD).

Naglaan din ng P4 bilyon para sa hiring ng mga health worker, kabilang ang COVID-19 tracers, P10 bilyon sa Department of Agriculture (DA) para ipautang sa mga magsasaka at mangingisda, P10 bilyon sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay maglalabas ng pondo bilang puhunan ng mga OFW na nawalan ng trabaho ngayong panahon ng COVID-19.

Sa aksyon ng pamahalaan, ang tanggapan na lang ni Robredo ang walang inilalabas na konkretong tulong sa mahihirap na Filipino na pinaniniwalaan niyang nahihirapang kumilos sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

Giit ng Pangulo sa kanyang public address ay nagdaragdag lamang ng “fuel to the fire” si Robredo.

“Itong sinasabi ni Leni na kung ‘di gawin ng gobyerno, gagawin ng tao… panahon ito ng pandemic, desperado ang tao… dadagdag kayo, wala naman kayo basehan,” ayon kay Pangulong Duterte.

“Do not add fuel to the fire. You will just destroy the government,” diing pahayag ni Pangulong Duterte.

Nauna rito, sa 20-minute speech ni Robredo, araw ng Lunes ay hayagang binatikos nito ang ginagawa ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19.

Bunsod aniya ng lack of confidence sa pamahalaan, ang mga Filipino ay handang maghanap ng makapagtuturo ng tamang direksyon. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

 

139

Related posts

Leave a Comment