KASUNOD ng naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng may 70 iba pa kabilang ang mga tauhan ng military at pulisya ay agad nagpalabas ng travel
advisory ang British government sa kanilang mamamayan.
Naglabas ng updated travel advisory ang United Kingdom sa kanilang mamamayan na nasa Pilipinas bunsod ng naganap na magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kamakalawa na
hinihinalang kagagawan ng ISIS influenced terrorist group.
Nakasaad sa abiso na posible ang pagkakaroon ng pag-atake ng mga terorista sa Pilipinas kaya ang kanilang mamamayan ay dapat maging maingat at mapagmatyag.
Base sa inisyung abiso, ang mga terrorist group sa Pilipinas ay mayroong kakayahan na umatake saanmang bahagi ng bansa kabilang ang capital na Manila.
Pinag-iingat ng UK ang kanilang mamamayan sa pagbisita sa matataong lugar gaya ng malls, entertainment establishments, public transportation at place of worship.
Binanggit din sa abiso na patuloy ang banta sa bansa ng mga teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Jemaah Islamiyah (JI), New People’s Army (NPA) at iba pang kahalintulad na grupo.
Umakyat na sa labinglima ang bilang ng mga nasawi sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Sa datos mula sa Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 7 sundalo ang nasawi, 6 na sibilyan, 1 pulis, at ang suicide bomber.
Mayroon namang 48 sibilyan na nasugatan, 19 sundalo at 9 na pulis na pangunahing pinagbasehan ng UK sa paglalabas ng updated na travel advisory para sa kanilang mga mamamayan na nasa
Pilipinas. (JESSE KABEL)
133
