SANA TAPOS NA ANG PANDARAMBONG SA PHILHEALTH

SA lahat ng pagbubunyag hinggil sa korapsyon at pandarambong sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), pinakamatindi na ang naganap ngayon dahil naglabasan ang samu’t saring porma ng pagnanakaw ng bilyun-bilyong pera ng nasabing ahensiya.

Grabe talaga dahil sa halip na matakot ang mga mandarambong sa PhilHealth dahil retiradong heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) si Ricardo Morales ay nagpatuloy pa rin ang korapsyon hanggang umabot sa pandarambong.

Si Morales ay naging pangulo at chief executive officer ng PhilHealth noong Hulyo 2019.

Pandarambong dahil ayon sa batas, pandarambong ang krimen kapag umabot sa P50 milyon pataas ang kinurakot na pera.

Grabe talaga dahil ang mga sangkot ay hindi lamang mga opisyal sa PhilHealth, kundi mga opisyal at doktor sa mga ospital.

At, nakabubuwisit talaga nang todo dahil inimbestigahan na ng Senate Blue Ribbon Committee noong 2019 ang PhilHealth dahil sa talamak na korapsyon, nagpatuloy pa rin ang mga magnanakaw ng pera sa PhilHealth.

Lumabas sa unang araw ng imbestigasyon ng Senado na P154 bilyon ang nawalang pera sa PhilHealth mula 2014 hanggang 2018.

Tapos, mayroon pang P15 bilyon na nakurakot sa panahon ni Morales.

Pokaragat na ‘yan!

Mula sa panahon ni Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III hanggang sa ka salukuyang termino ng pangulong galit na galit sa korapsyon ay hindi tumitigil ang mga mandarambong ng pera sa PhilHealth.

Hindi pa nabanggit ‘yung bilyun-bilyong nakulimbat noong si Gloria Macapagal – Arroyo ang pangulo ng bansa mula taong 2000 hanggang 2010.

Marami nang nakalkal ang mga senador at kongresista sa isinagawa nilang imbestigasyon sa PhilHealth.

Tapos, patuloy na nag-iimbestiga ang Task Force PhilHealth na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra, tatapusin nila ang imbestigasyon hanggang sampahan ng mga kaso ang mga taong sangkot sa iba’t ibang klaseng korapsyon at pandarambong sa PhilHealth.

Dapat kasama sa mga sasampahan ng mga kasong kriminal ay ang mga may-ari, namamahala at doktor ng mga ospital na nakinabang sa bayad ng PhilHealth sa kanila.
Sa ginagawang ito ng Task Force sa pamumuno ni Guevarra, tiyak akong umaasa ang milyun-milyong Filipino na gagampanan ng mga kasapi ng Task Force nang tapat ang kanilang trabaho, tungkulin at obligasyon sa pamahalaan at mamamayang Filipino.

Sigurado akong umaasa rin ang mga Filipino na “huli na” ang mga nabunyag na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa PhilHealth.
Huwag natin kalimutan na ang pera ng PhilHealth ay galing sa mga kasapi nito.

Ang mga kasaping binabanggit ko ay ang mga pangkaraniwang tao na mga empleyado ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, pribadong kumpanya at mga overseas Filipino workers (OFW).
Kung naglalagay man ng pondo ang pamahalaan sa PhilHealth, galing pa rin ito sa mamamayan dahil bahagi ito ng ibinabayad nilang buwis.

Ngunit, kung magpapatuloy pa rin ang korapsyon at pandarambong sa PhilHealth pagkatapos ng imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso at ng Task Force PhilHealth, nangangahulugan lamang na hindi na titino ang PhilHealth.

Ibig sabihin, regular at normal na ang korapsyon at pandarambong sa PhilHealth tulad din ng ibang ahensiya ng pamahalaan na kahit paulit-ulit na imbestigasyon ang ilunsad ay hindi natitigil ang korapsyon at pandarambong.

Ang masama, nakalulusot pa ang mga mandarambong sa mga kasong kriminal – at kung talagang malakas sa pangulo ng bansa ay mabibigyan pa ng panibagong “juicy position” sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Pokaragat talaga!

109

Related posts

Leave a Comment