INIREKOMENDA ni Vicente de Guzman III, National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director for Investigation Service, kay Hon. Samuel Martires, Office of the Ombudsman, na usigin/kasuhan ang mga opisyal ng Bureau Immigration (BI) na sangkot sa tinaguriang “Pastillas Scheme/Group” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa sulat ni De Guzman kay Hon. Martires na may petsang Agusto 19, 2020, idinetalye sa kanilang preliminary investigation kung paano ginagawa ang modus operandi ng mga opisyal ng Bureau Immigration, kasabwat ng ilang travel agencies, sindikato mula sa China at iba’t ibang bansa, ang pagpapasok ng mga dayuhan sa Pilipinas na walang mga kaukulang dokumento kapalit ang malaking halaga ng pera.
Kabilang sa mga inirekomendang usigin ay pinangungunahan ni Grifton San Pedro Medina, nasa hustong gulang, may-asawa, Filipino, Senior Immigration Officer acting chief ng Port Operations Division (POD); Deon Carlo Albao, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer III, TCEU Deputy Terminal Head, NAIA 1; Abdulhafez Dela Tonga Hadjibasher, nasa hustung gulang, binata, Immigration Office II, Deputy Immigration Supervisor, NAIA; Gabriel Ernest Mitra Estacio, nasa hustong gulang, Filipino, binata, Immigration Officer II, nakatalaga sa Arrival and Departure Area, NAIA I; Ralp Ryan Macahilo Garcia, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Office I, nakatalaga sa Airport Operations Division (AOD), NAIA; Phol Bendana Villanueva, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer I, Port Operations Division; Abdul Fahad Guro Calaca, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer III, Airport Operations Division, NAIA; Danilo Caro Deudor, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer I, Port Operations Division, NAIA; Mark Dollete Macababad, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer I; Aurelio Somera Lucero III “Amboy”, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer III, Duty Immigration Officer III, Duty Immigration Supervisor, NAIA; George Bituin, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer III, Duty Immigration Officer Supervisor, NAIA Port Operations Division; Salahudin Pacalda Hadjinoor, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer III, Duty Immigration Supervisor, NAIA Port Operations Division; Chevy Chase Reyes Naniong, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer II, miyembro ng TCEU, NAIA Airport Operations Division; Jeffrey Dale Salameda Ignacio “Boss Nyepi”, nasa hustong gulang, binata, Immigration Officer II, NAIA Airport Operations Division; Hamza Usudan Pacasum, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer I, NAIA Port Operations Division; Manuel Brilliante Sarmiento III, nasa hustong gulang, may asawa, Immigration Officer II; Chery Pie Payabyab Ricolcol alyas “Chepie”, nasa hustong gulang, Immigration Officer I; Er German Tegio Robin, nasa hustong gulang, may asawa, Senior Immigration Officer, TCEU Head For Operations.
Kasama rin sa ipinauusig sa Ombudsman ay sina Fidel Mendoza, nasa hustong gulang, Security Guard 2, Chief of Staff ng POD NAIA, at Liya Wu, nasa hustong gulang, Chinese national na may-ari ng Empire International Travel and Tours.
Kalakip sa sulat ni De Guzman sa Ombudsman ang kinalabasan ng preliminary investigation ng NBI-SAU, mga dokumento at ebidensiya kung paano nangyayari ang sinasabing “Pastillas Scheme/Group” na kinasasangkutan ng mga Immigration Officer.
Partikular na kinilala ni IO Chiong ang grupo na tinawag “Chinese Suppliers/Boss” na binubuo nina Glenn Ford Comia, Deon Carlo Albao, Rodolfo Magbuhos, Jr., Anthony Lopez, Danieve Binsol, Dennis Robles, Bradford Allen So at German Robin.
Sila ang immediate contact ng kanilang foreign “counterparts” sa China at iba pang bansa, sila rin ang nakatatanggap ng listahan ng mga pangalan ng foreign passengers mula sa travel agencies at Chinese liaisons sa Pilipinas.
Ito rin ang nagbibigay ng listahan sa TCEU Heads at ipinararating naman sa frontline IOs/IPs na nakatalaga sa Immigration counters para papasukin ang kanilang kliyente para hindi maabala ang mga ito at hindi na dumaan sa marami pang tanong.
Ang tinaguriang “Chinese suppliers/Boss” ang kumukolekta ng “Pastillas Money” at inihahatid sa TCEU Heads o sa Viber Group Chat Administrator (VGCA) para sa distribusyon sa lahat ng miyembro ng grupo bago matapos ang bawat linggo ng buwan.
Sinabi pa ni IO Chiong, minsan ay inaatasan ng “Chinese suppliers/Boss” na isang IOs, na kunin na lamang ang kanyang “Pastillas Money” mula sa nakaparadang sasakyan sa parking lot sa NAIA.
Bukod dito, minsan ay dinadala na mismo sa opisina ng Management Information System Division (MISD) kung saan nila pinaghahatian ang porsyenton ng bawat miyembro.
Iniimpormahan na lang ng VGCA ang lahat ng miyembro na ang kanilang “Pastillas” ay nasa loob ng drawer ng kanilang mga lamesa.
Ang pag-uusap hinggil sa transaksyon at hatian ng kita ng grupo ay sa pamamagitan ng viber chat na kanilang binuo na VGCA.
Lumabas din sa preliminary investigation ng NBI-SAU na may kinalaman sina Marc Macarinas, dating chief Port’s Operations Division (POD); Erwin Ortanez, dating overall Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) chief; heads ng bawat terminal; Glenn Ford Comia (T1); Benlado “Bien” Guevarra (T2); Danieve “Den” Binsol (T3); deputy TCEU heads ng bawat terminal; Deon Carlo Albao (T1) at Arlan Mendoza (T2).
Pinangalanan ni IO Chiong na ang Empire International Travel and Tours na pagmamay-ari ni Liya Wu, ang isa sa travel agencies na nagbabayad ng “Pastillas Money” para sa pagpasok sa Pilipinas ng kanilang mga pasahero.
Binigyan diin niya pa na ang Empire ay pinakakilala at makapangyarihang travel agency sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi pa ni IO Chiong, noong Marso o Abril 2019 ay naatasan siya ni T1 TCEU Deputy Head Deon Albao na kunin ang “Pastillas” mula sa puting Pajero na nagkakahalaga ng mahigit sa isang milyong piso (P1,210,000).
Ang nasabing pera ay ipina-deliver kay Phol Villanueva, isa sa VGCA, para ipamahagi sa iba pang VGCA, depende sa nakasulat sa label nito.
Ang nabanggit na pera ay kinunan muna umano ni IO Chiong ng litrato bago niya ito idineliber kay Villanueva.
Nakapaloob pa sa preliminary investigation ng NBI-SAU na minsan nang binura ng grupo ang kanilang viber group matapos nilang malaman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang bureau sa naturang modus.
Dahil dito, pansamantala muna nilang itinigil ang kanilang usapan sa viber group kung kaya’t dumating sa punto na iniiskortan na lamang ng miyembro ng grupo ang kliyente patungo sa IOs/IPs frontline na kanilang kasabwat para hindi na ito maabala at agad na makapasok.
Nauna rito, sa sworn statement noong Pebrero 3, 2020 ni Ms. Lai Yu Cia, isang Taiwanese national, kasama ng iba pang mga tao na na-recruit na magtrabaho sa Pilipinas, ipinangako sa kanila na madaling makapapasok sa bansa sa kabila na ang kanilang hawak ay tourist visa lamang.
Si IO Jeffrey Dale Salameda Ignacio “Boy Nyepi” ang nag-ayos ng kanilang pangangailangan para makapasok sa Pilipinas.
Ang dayuhang Taiwanese ay biktima ng human trafficking at nangyari
sa panahong nasa ilalim ng pamumuno ni Medina.
Matatandaang uminit ang isyu sa “Pastillas Scheme” hinggil sa ‘paglalagay’ umano ng mga Chinese national na walang mga dokumento na pumapasok sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga ng pera sa mga taga-Immigration sa paliparan.
Ang mga dayuhan na pumapasok sa bansa para magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ay pawang mga Chinese national na mga manggagawa.
Si alyas “Boy Nyepi” ay naging pakay ng imbestigasyon ng NBI bilang miyembro ng Immigration Viber Group na kabilang sa nakalarawan na ibinigay ni IO Chiong.
Samakatuwid, base sa pagkakaestablisa ng Doctrine of Command Responsibility, nadawit ang pangalan ni Acting POD Chief IO Grifton Medina dahil responsabilidad niya ang kanyang mga tauhan.
Ipinagpalagay rin na may alam siya sa nasabing ilegal na aktibidad dahil ang lahat ng mga ito ay nangyari sa NAIA terminals na kinasasangkutan ng kanyang mga tauhan.
Pinatunayan niya pa na siya ang naglagay kay IO Fidel Mendoza (humahawak ng posisyon bilang Security Guard II na may Salary Grade 5 at kabilang sa mga personalidad na iniimbestighahan ng nasabing fact-finding committee) bilang kanyang sariling Chief of Staff.
Ang mga ebidensiyang video at larawan ng umano’y mga katiwalian sa NAIA na kuha ni IO Chiong ay nangyari sa panahon ni Medina. (JOEL O. AMONGO)
215