PARA sa Malakanyang, “premature” pa para sabihin ng pamahalaan na iimbestigahan nito ang tatlong kompanya na blacklisted sa Department of Budget and Management (DBM) na pumasok sa isang kasunduan para mag-suplay ng personal protective equipment (PPE) sa gobyerno.
Ito’y matapos na mapaulat na ang Ferjan Health Link Enterprises, Cebu business Materials Trading Co., Inc., at Jozeth Trading ay nakapag-suplay sa bansa ng P727 milyong halaga ng PPE at ibang medical supplies sa kabila na blacklisted na ang mga ito ng DBM.
Ayaw namang magkomento ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isyung ito sa katuwirang nabasa lamang niya kasi ang nasabing usapin sa balita.
“Hindi ko po alam kung questionable iyan kaya nga po tatanungin natin ang DBM ‘no, kasi hindi ko pa po naririnig kung ano ang explanation galing sa DBM,” ayon kay Sec. Roque.
Aniya, hihilingin niya sa DBM na magpaliwanag sa naturang isyu bago pa siya magkomento.
“I think it’s premature to say we’re investigating. I will just clarify kung totoo , first and foremost, na P750 million worth of PPE ay na-award sa isang blacklisted company. And if so, bakit at ano ang dapat gawin ,” anito.
Samantala, kumpiyansa naman si Sec. Roque na kung mayroon ngang nangyaring paglabag ay kaagad na makakalampag dito ang Commission on Audit.
“Sa aking tingin naman, kung talagang mayroong paglabag sa batas ay ipa-flag din po iyan ng Commission on Audit,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
176 