TINIYAK ng Malakanyang na magkasundo at walang away sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. dahil lamang sa magiging rekomendasyon ng huli na ikansela ang lahat ng kontrata ng mga Chinese firm na nasa likod ng militarisasyon sa South China Sea.
Mariing itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang sinasabing “inconsistencies” o hindi magkaparehong pahayag ng dalawang opisyal lalo pa’t sinabi naman ni Sec. Locsin na ito ay kanyang rekomendasyon lamang.
“Wala naman po sigurong inconsistencies diyan dahil ang sabi lang naman ni Secretary Locsin, he will recommend. Pero hindi po nangyari iyan because the President spoke as a matter of chief architect of foreign policy,” ayon kay Sec. Roque.
“Si Presidente naman po, wala naman pong personalan iyan,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, irerekomenda ni Sec. Locsin na tapusin na ang mga local contract ng mga Chinese firm na mapatutunayang sangkot sa militarisasyon sa West Philippine Sea.
Ito ay kapareho ng naging hakbang ng Estados Unidos nang magpataw ng sanction sa Beijing state run firms maging sa visa restrictions sa mga Chinese national.
Ani Locsin, nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Transportation (DOTr) at National Economic and Development Authority upang malaman kung mayroon itong mga ongoing project sa mga Chinese partner na nasa ilalim ng U.S. sanctions.
Samantala, magugunitang naglabas ng pahayag ang Amerika na ginagamit ng China ang kanilang state-owned corporations sa dredging at reclamation ng mahigit 3,000 acres na bahagi ng karagatan ng West Philippine Sea.
Kamakailan lamang nang sabihin ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na mistulang naghahanap ng gulo ang Amerika sa naturang rehiyon. (CHRISTIAN DALE)
122
