P30-P50-B ILALAAN SA MARAWI SIEGE VICTIMS

TATANGGAP ng P30 hanggang P50 bilyon ang mga biktima ng Marawi Siege bilang kompensasyon sa mga nasira nilang ari-arian sa giyera sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga teroristang grupo ng Maute at Abu Sayyaf Group noong 2017.

Sa virtual hearing ng House Committee on Disaster Management na pinamumunuan ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez, inaprubahan ang substitute Bill para sa kompensasyon ng mga residente ng Marawi City na winasak ng giyera matapos lusubin ng mga nabanggit na terrorist group.

Bagama’t walang halagang inilagay sa inaprubahang substitute bill, nakasaad sa House Bill 3543 na inakda nina Basilan Rep. Mujiv Hataman at Anak Mindanao party-list Rep. Amihilda Sangcopan at HB 3922 ni Lanao del Sur 2nd District Rep. Yasser Alonto Balindon ang halagang P30 bilyon para bayaran ang mga biktima.

Nais naman ni Lanao del Sur 1st District Rep. Ansaruddin Abdul Malik Alonto Adiong na maglaan ang gobyerno ng P50 bilyon para sa kompensasyon ng mga biktima ng Marawi Siege.

Magugunita na noong Mayo 23, 2017 ay biglang nilusob ng Maute at Abu Sayyaf Group ang Marawi City na naging dahilan ng giyera na tumagal ng 5 buwan kaya nadurog ang siyudad.

Nawasak ang 95% na imprastraktura sa lungsod kasama ang mga bahay at ari-arian ng mga residente na hanggang ngayon ay iniinda ang resulta ng giyera.

Base sa inaprubahang panukala, magtatatag ng Claims and Compensation Subcommittee sa pangunguna ng Commission on Human Rights (CHR) Bangsamoro Human Rights Commission (BCHR na siyang mangangasiwa sa pagbibigay ng kompensasyon. (BERNARD TAGUINOD)

92

Related posts

Leave a Comment