10 nadagdag sa casualties COVID POSITIVE SA CALOOCAN, PUMALO SA 5,971

PUMALO na sa 5,971 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod ng Caloocan hanggang nitong Sabado, Setyembre 5 at nadagdagan ng 10 ang bilang ng mga namatay sa nakalipas na apat na araw, ayon kay Mayor Oscar Malapitan.

Sinabi ng alkalde, hanggang alas-6:00 ng gabi noong Sabado ay umabot na sa 184 ang mga namatay dahil sa pandemya sa siyudad, mula sa 174 noong Setyembre 1, habang 4,378 na ang gumagaling.

Kaugnay nito, dinakila ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ng National Task Force Against (NTF) COVID-19 at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa kanilang pagtugon sa problema ng COVID-19.

Sinabi ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana, kapuri-puri ang mga pagsisikap ng lokal na pamahaalan upang masugpo ang COVID-19.

Ayon naman kay Agriculture Secretary William Dar, kumpara noong kanyang unang pagbisita, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga naitatalang positibo sa COVID-19 nitong nakaraang mga araw sa lungsod ng Caloocan.

Aniya, maganda ang estratehiya ng siyudad sa zoning, isolation at maging sa paghanap nito ng mga pamamaraan upang mas maging epektibo at episyente.

Nagpahayag din ng paghanga ang mga opisyal na dumalo sa pulong sa maayos na pagpapatupad ng color-coded quarantine pass system upang mapanatili ang physical distancing sa mga matataong lugar at sa nakatakdang paggamit ng quarantine band (qBand) ng pamahalaang lungsod para sa makabago nitong proseso ng contact tracing.

Nagpasalamat naman si Mayor Malapitan sa suporta ng pamahalaang nasyunal para sa patuloy na paglaban ng lungsod ng Caloocan sa pandemya at tiniyak ang masusing pakikipag-ugnayan sa mga punong barangay hinggil sa mga ipinatutupad na alituntunin at programa laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, nanumpa ang mga punong-barangay at opisyal ng pamahalaang lungsod bilang kasapi ng Barangay Disiplina Brigade na programa naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) at nagdaos ng ceremonial turnover ng mga donasyong face mask, personal protective equipment (PPE), at hygiene kits sa lungsod. (ALAIN AJERO)

210

Related posts

Leave a Comment