3 REHAB GRADUATES TIMBOG SA BUY-BUST

SARANGANI – Kalaboso ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, na pawang nagtapos umano sa drug rehabilitation program, makaraan ang magkakasunod na buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad sa bayan ng Alabel sa lalawigang ito.

Kinilala ni PDEA-12 Regional Director Naravy Duquiatan ang mga suspek na sina Rene Samson Angeles, 38; Melquesedic Layan Marquizo 51, at Benjamin Cosip Lecaros, 42-anyos.

Ayon kay Duquiatan, unang naaresto ng mga operatiba ng PDEA at mga tauhan ng General Santos City Police Office, si Angeles sa Osmeña St., Barangay Dadiangas South nitong lungsod, noong Lunes.

Sunod na natiklo sa Rambutan St., Barangay Dadiangas East si Marquizo sa follow-up operation matapos itong ikanta ni Angeles bilang source ng ilegal na droga.

Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi nang madakip naman ng suspek na si Lecaros sa tapat ng Sarangani Capitol Complex sa bayan ng Alabel.

Sa kabuuan, limang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. (BONG PAULO)

164

Related posts

Leave a Comment