CAVITE – Umabot sa 24 hinihinalang mga drug pusher at adik ang dinampot, kabilang ang mga inaresto sa sinalakay na hinihinalang drug den at sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Cavite.
Sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (CPPO), dakong alas-6:00 noong Lunes ng gabi hanggang alas-2:00 ng madaling araw nitong Martes nang isagawa ang buy-bust operation sa apat na lungsod at dalawang bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa 24 katao.
Nanguna sa pinakamaraming inaresto ang Lungsod ng Bacoor, 15; sumunod ang Dasmarinas City, 4; habang dalawa naman sa Trece Martires City at tig-isa sa Cavite City, Indang at Carmona.
Kabilang sa mga sinalakay sa Bacoor City ang umano’y nagsilbing drug den na bahay ng isang Luzviminda Reyes, 67, sa Brgy. Maliksi 1, Bacoor City, Cavite. (SIGFRED ADSUARA)
