INIUTOS ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang masusing imbestigasyon sa magkasunod na pagkamatay ng magkapatid na Parojinog sa Ozamiz City nitong nakaraang linggo.
Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa NBI na magsagawa ng ‘preliminary investigation’ sa pagkamatay ni dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na sinundan ng pagkamatay ng kanyang kapatid na si Melodia Parojinog Malingin makalipas ang dalawang araw.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, sinimulan na ng kanyang mga tauhan ang nasabing imbestigasyon.
“The NBI will find out if Parojinog had already been sick before he was transferred, and what his condition was upon actual arrival in Ozamiz,” ayon kay Secretary Guevarra.
Nauna rito, iniulat ng Philippine National Police na inatake sa puso si Ricardo nang ilipat sa Ozamiz City jail para dumalo sa pagdinig ng kanyang mga kaso. Inihayag din ng pulisya na ito ay COVID-19 probable.
Orihinal itong nakaditine sa Camp Crame bago inilipat sa Ozamiz para dumalo sa pagdinig ng kanyang mga kaso.
Iniutos din ni Guevarra na alamin ang kalusugan ni Malingin bago siya namatay.
Nabatid na namatay naman si Malingin sa isang ospital sa Ozamiz.
Sina Ricardo at Melodia ay mga kapatid ni dating Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na napaslang sa isang police operation sa kanyang bahay noong 2017. (RENE CRISOSTOMO)
159 