PANIBAGONG BALASAHAN SA PNP IKINASA NI CASCOLAN

MABILIS ngayon ang galawan sa Philippine National Police hierarchy nang magpatupad na naman ng balasahan halos isang linggo pa lamang mula nang magpalit ito ng bagong pinuno.

Kahapon, inihayag ang ikatlong balasahan na inilatag ni PNP Chief Camilo Cascolan sa hanay ng matataas na pinuno ng kapulisan.

Kabilang sa mga naapektuhan ng panibagong rigodon si Brig. Gen. Bernard Banac na inalis ni Cascolan bilang PNP-Public Information Office chief at itinalaga bilang director ng PNP Training Service.

Itinalaga naman bilang bagong tagapagsalita ng pambansang pulisya si Col. Ysmael Yu.

Habang itinalaga si Maj. Gen. Celso Pestaño bilang pinuno ng Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM) at pinalitan siya ni Brig. Gen. Albert Ferro bilang director ng Directorate for Integrated Police Operations (DIPO)-Southern Luzon.

Hinalinhan naman si Ferro bilang director ng Central Visayas Regional Police Office ni Brig. Gen. Jonnel Estomo, na ang iniwang posisyon sa PNP Anti-Kidnapping Group ay ipinasa kay Brig. Gen. Joseph Gohel.

Si Brig. Gen. Edgar Monsalve ang bagong director ng PNP Intelligence Group.

Si Brig. Gen. Alex Sintin Jr., ang itinalagang acting director ng National Police Training Institute (NPTI) samantalang si Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang bagong director ng Logistic Support Service (LSS).

Si Brig. Gen. Pascual Muñoz ang uupong bagong director ng PRO 4B (Mimaropa).

Inilipat naman sa Office of Chief PNP si Brig. Gen. Rhoderick Armamento at ang kanyang posisyon bilang deputy director for administration ng CIDG ay ipinasa kay Brig. Gen. Sterling Raymund Blanco.

Nabigyan din ng bagong posisyon sina Col. Leo Francisco na ipinadala sa PRO 3 (Central Luzon); Col. Roel Acidre, bagong acting Deputy Regional Director for Administration ng PRO Caraga; at Col. Celso Bael, bilang bagong acting executive officer ng Directorate for Intelligence.

Una rito, nagkaroon ng bahagyang galawan sa top key position ng PNP kasunod ng pagreretiro ni P/General Archie Gamboa at pagkakatalaga kay Cascolan bilang hepe ng pambansang pulisya.

Bunsod ng pag-akyat ng puwesto ni Cascolan bilang ika-24 PNP chief ay umakyat din bilang Deputy Chief for Administration si Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar at ang iniwan niyang puwesto na deputy chief for operations ay inupuan na ni Police Lt. Gen. Cesar Binag.

Samantala, si Police Maj. Gen. Joselito Vera Cruz ay ookupahan ang Chief Directorial Staff – ang pang-apat sa pinakamataas na puwesto sa PNP hierarchy.

Bago ang pagtalaga sa kanya sa puwesto, si Cascolan ang deputy chief for Operations ng nagretirong si dating PNP Chief Archie Gamboa.

Inaasahan pa ang mga susunod na balasahan kung hindi mapapalawig ang tour of duty ni Cascolan na nakatakdang magretiro sa serbisyo pagsapit ng kanyang ika-56 kaarawan sa darating na Nobyembre. (JESSE KABEL)

246

Related posts

Leave a Comment