RETRIEVAL OPS SA 4 MINERO ITINIGIL NA

DAVAO CITY – Itinigil na ang isinasagawang search and retrieval operation ng Incident Management Team sa apat na lalaking nalibing nang buhay sa hinukay na tunnel sa Brgy. Kinamayan, Sto. Tomas, Davao del Sur.

Makaraan ang halos dalawang linggo, itinigil na ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Search and Rescue Unit at Emergency Medical Service personnel, Municipal and Provincial Engineers’ Office, Municipal and Provincial Disaster Risk Reduction Office, Davao City 911 Urban Search and Rescue Team, Knight Hawk Rescue Team ng Davao City at Santo Tomas, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at iba pang grupo, noong Setyembre 7 ang retrieval and rescue operations sa apat na nalibing na treasure hunters.

Ang nasabing desiyon ay makaraang ang pitong oras na pagpupulong noong Lunes makaraang makumpirma ng Extrication Team na puno na ng tubig ang tunnel.

Kung ipagpapatuloy pa umano ang paghahanap sa mga biktima na tinaguriang #Kinamayan4, maaaring malagay sa peligro ang mga miyembro ng IMT.

Samantala, nagpalabas ang Sangguniang Barangay ng Kinamayan ng manifesto o public declaration, na nag-uutos sa IMT na itigil na ang kanilang operasyon dahil kung ipagpapatuloy ito ay maaaring masira ang katabing mga kabahayan dahil sa malambot na lupa.

Nagsumite rin ng kanilang apela ang Gagmay’ng Kristohanong Katilingban (GKK) ng San Isidro Labrador sa IMT na itigil na ang nasabing paghahanap sa mga biktima.

Magugunitang nalibing sa tunnel ang mga biktima noong Agosto 30, 2020. (DONDON DINOY)

174

Related posts

Leave a Comment