BUMULAGTA ang dalawang pinaniniwalaang mga miyembro ng Dawlah Islamiyah Terrorists group matapos manlaban sa tropa ng pamahalaan sa inilunsad na operasyon sa Barangay Lamsugod, Surallah, South Cotabato, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Jeoffrey Nilong, alyas ‘Momoy’ habang wala pang pagkakakilanlan ang isa nitong kasama.
Sa inisyal na ulat, alas-10:15 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga kasapi ng 5th Special Forces Battalion na pinamumunuan ni Ltc Randy Banaag. Nang maispatan ang mga suspek ay pumalag umano ang mga ito dahilan para paputukan sila ng mga sundalo.
Batay sa ulat na nakarating sa bagong upong commander ng 6th Infantry Battalion na si Major General Juvymax Uy, ang mga suspek ay konektado umano sa Dawlah Islamiyah – Maguid Group na responsable sa mga pambobomba sa Maguindanao at Sultan Kudarat. (BONG PAULO)
381 