TINIYAK ni Senate President Vicente Sotto III na hindi maaapektuhan ng iniimbestigahang anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealt) ang hinihinging pondo ng Department of Health (DOH) sa taong 2021.
Ayon kay Sotto, hindi dadaan sa butas ng karayom ang pagdinig sa budget ng DOH sa susunod na taon sa kabila ng nagkakaisang desisyon ng Senado na dapat may managot sa mga opisyales ng PhilHealth PhilHealth sa anomalya.
Aniya, malaki ang pangangailangan ng mga Filipino sa pondo ng DOH ngayong nararanasan ang COVID-19 pandemic.
“Hindi naman dadaan sa butas ng karayom kasi baka malaki ang pangangailangan ng mga kababayan natin lalo na dito sa pandemic.
‘Yung P71 billion program subsidy ng PhilHealth, palagay ko hindi magagalaw ‘yun, kahit sa amin hindimagagalaw ‘yun, okay lang ‘yun. Pero ang importante ngayon, ‘yung mga taong humahawak noon,” sabi ni Sotto.
Ngunit tiniyak din ni Sotto na bubusisiin ng mga senador ang pondo ng DOH upang masigurong mailalaan ang pondo sa dapat nitong paggamitan.
“Tiyak na bubusisiin namin ‘yan. ‘Yung sa Department of Health, bubusisiin namin ‘yan tiyak,” pagtitiyak ng lider ng Senado.
Kaugnay nito, sa nakatakdang pagsusumite ng Department of Justice (DOJ) ng resulta sa isinagawa nitong pag-iimbestiga sa anomalya sa PhilHealth, sinabi ni Sotto na umaasa siyang kapareho ito ng natuklasan ng Senate Committee of the Whole. (NOEL ABUEL)
74