SINISIMULAN nang iproseso ng Bureau of Corrections (BuCor) ang release order ng Amerikanong sundalong si Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kasunod ng absolute pardon na ipinagkaloob dito ni Pangulong Duterte.
Kasunod din ito ng pagkumpirma ni BuCor Director General Gerald Bantag na hawak na nila ang certified true copy ng absolute pardon na iginawad kay Pemberton.
Sa pahayag, sinabi ng BuCor na nakuha na nila ang dokumento mula sa Department of Justice (DOJ) na nagbibigay ng absolute pardon kay Pemberton.
Nakikipag-ugnayan na rin ang BuCor sa mga ahensya na may kinalaman sa proseso ng pagpapalaya sa Amerikanong pumatay kay Jennifer Laude.
Kailangan ding sumunod ang sundalo sa protocols ng health services gaya ng swab test kaugnay sa umiiral na COVID-19 pandemic.
Ayon pa sa opisyal, uumpisahan na nila ang internal process para sa pagpapalaya sa sundalo kabilang dito ang paghahanda sa memorandum to release ng dating sundalo, verification kung mayroon pa itong nakabinbing mga kaso at ang pagkuha ng biometrics at photograph. (JESSE KABEL)
170
