COTABATO City – Patay ang ama ng mataas na lider ng New People’s Army o NPA sa lalawigan ng Surigao del Norte matapos pasukin ng hindi kilalang armadong kalalakihan ang bahay nito sa Km. 20, Purok 5, Barangay San Pedro, Sison sa nabanggit na probinsiya noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Rolando Patiño Leyson Sr.,78-anyos, may asawa at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat na nakarating sa Sison PNP, bandang alas-11:30 ng gabi nang pinasok ng limang armadong kalalakihan ang bahay ng biktima at walang pakundangang pinagbabaril si Leyson gamit ang matatas na kalibre ng armas na may silencer.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang itim na Fortuner SUV patungo sa direksyon ng Butuan City.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Scene of Crime Operatives (SOCO) narekober sa crime scene ang 12 fired cartridges mula sa 9mm pistol, 5 fired cartridges mula sa M16 rifle, anim na fired bullet buhat sa 9mm pistol, mga bala mula sa M16 rifle. Nakuha naman ng SOCO ang isang caliber .22 na sinasabing pag-aari ng biktima.
Subject na ng manhunt operation ang mga suspek habang inaalam ang motibo sa krimen.
Nabatid na ang napatay ay ang tatay ni “Ka Edroy” o Rolando Leyson Jr. na may patong sa ulo na P5.1 milyon matapos na ideklara ng Department of Interior and Local Government o DILG na wanted sa kasong arson at dalawang kaso ng murder.
Si Edroy ang mataas na lider ng CPP-NPA-NDF sa Northeastern Mindanao. (BONG PAULO)
117
