CAVITE – Minsan pang napatunayan na walang idudulot na mabuti ang pagmamaneho nang lasing at idagdag pa ang hindi pagsusuot ng helmet, nang sumalpok sa poste ng ilaw ang minamanehong motorsiklo ng isang 21-anyos na motorcycle rider sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Namatay noon din ang biktimang si John Mark Cul ng Bacoor City Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Edison Fetalcurin ng Bacoor City, dakong alas-4:15 noong Linggo ng hapon nang mangyari ang insidente sa main road ng Belle Port Subdivision sa Brgy. Molino 4, Bacoor City Cavite habang minamaneho ng biktima ang kanyang pula at itim na motorsiklong SYM Bonus X na walang plaka.
Habang binabagtas ng biktima ang nasabing lugar patungo sa direksiyon ng Molino road nang pagsapit sa isang palikong kalsada ay nawalan siya ng kontrol sa kanyang manibela at rumampa sa gutter ng kalsada hanggang dumiretso at bumangga sa poste ng ilaw.
Sinasabing lasing ang biktima at walang suot na helmet nang mangyari ang insidente na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan. (SIGFRED ADSUARA)
250
