2 NPA BULAGTA SA BAKBAKAN

NORTH COTABATO – Dalawang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang bumulagta sa pakikipagbakbakan sa pangkat ng 39th Infantry Battalion sa ilalim ng 1002nd Infantry Brigade sa Sitio Garok, Brgy. Sibulan, Sta. Cruz, Davao del Sur noong linggo ng hapon.

Sa ulat mula sa 39th Smasher Battalion, tinatayang nasa 20 rebelde na pinamumunuan ni Roberto Castillote, alyas “Inoy/Solomon,” commander ng Sentro de Grabidad (SDG), Pulang Bagani Command (PBC), Southern Regional Committee (SRC) 3, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), ang nakabakbakan ng militar na nauwi sa pagkakapaslang sa dalawang ‘di pa kilalang mga rebelde, alas-3:30 ng hapon.

Narekober ng tropa ng pamahalaan ang mga armas ng mga NPA na kinabibilangan ng M16A riffle, dalawang improvised explosive devices at mga subersibong dokumento sa hideout ng mga terorista.

Una rito, nakatanggap ng report ang militar mula sa mga residente sa lugar hinggil sa presensiya ng mga armado kaya mabilis na nagresponde ang mga sundalo.

Pinasalamatan naman ni Lieutenant Colonel Geoffrey Carandang, commander ng 39th Infantry (Smash Em) Battalion, ang mamamayan sa lugar kaugnay sa kooperasyon sa militar hinggil sa mga galaw ng kilusan. (BONG PAULO)

184

Related posts

Leave a Comment