Sa loob ng apat na taon sa Kongreso HIGIT 700 PANUKALANG BATAS ISINULONG NI REP. ROMERO

UMABOT sa mahigit 700 panukalang batas ang isinulong ni House Deputy Speaker at 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero sa loob lamang ng apat na taon niyang pagiging miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ang nasabing record ay kinilala ng ilang manunulat maging sa online news website at itinuturing na impresibong performance ng mambabatas sa Kamara.

Kabilang dito ang mga nalathala sa ilang pahayagan na kumikilala sa kasipagan ni Romero sa kanyang pagtatala ng 702 panukalang batas mula nang ito ay maupo bilang kongresista.

Nabatid na sa nasabing bilang ng mga panukala ay 47 ang ganap nang batas. Ilan sa mga ito ay ekstensyon ng driver’s license ng limang taon, ang Free Irrigation Act, Philippine Sports Training Act at ang mandatory PhilHealth coverage para sa lahat ng mga kapansanan.

Si Deputy Speaker Romero rin ang isa sa mga principal author ng Bayanihan to Heal as One and Two Act na siya ngayong malaking tulong sa bansa at sa mamamayan.

“Una, tayo ay nagpapasalamat sa Panginoon sa patuloy na talino at kalusugang sa atin [ay] pinagkakaloob para patuloy makapaglingkod sa bayan.

Pangalawa, ay ang ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nanalig at inaprubahan ang batas para sa ikabubuti ng ating bansa,” pahayag ni Romero.

Bukod sa ipinamamalas na sipag at talino ng mambabatas, na nananatiling pinaka-mayamang kongresista sa bansa mula 2016 ay patuloy siyang nagbibigay ng malaking tulong sa mamamayan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa tulad ng “Iskolar Kami ni Cong. Mikee Romero” program kung saan libo-libo ang natulungang makapag-aral.

Patuloy rin siya sa pagtulong sa mga batang may butas ang puso o Congenital Heart Disease (CHD) na sa kasalukuyan ay tinatayang nasa 600 na ang batang napa-opera nito upang madugtungan ang buhay.

“Tulong. ‘Yun lang talaga nasa isip ko mula po nang ako ay hikayatin na tumakbo bilang representante ng 1Pacman Party-list. Mas maraming tulong ang aking nais mapagkaloob sa ating mamamayan,” dagdag ng mambabatas.

Bukod dito, nagkaroon din ang mambabatas ng malaking partisipasyon sa larangan ng pampalakasan lalo pa at ito ang Team Captain ng koponan na nakasungkit ng medalya sa nakaraang Southeast Asian Games. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

192

Related posts

Leave a Comment