“SUMAWSAW ka na naman!” Ito ang naging bwelta ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin kay Dr. Tony Leachon matapos nitong manawagan na magbitiw sa puwesto si Executive Secretary Ralph Recto dahil sa mga isyu sa PhilHealth at buwis.
Ayon kay Garin, “misplaced,” pulitikal at malayo sa realidad ng pamamahala ang mga banat ni Leachon.
“Kung totoong buwis ang adbokasiya mo, then say it straight: tax the rich, subsidize the poor and stop pretending that every complicated fiscal decision can be solved by calling for someone’s resignation,” ani Garin.
Binigyang-diin pa ng dating Health Secretary na kulang sa konteksto ang mga pahayag ni Leachon at madaling magpa-viral sa social media ngunit mahirap maglatag ng konkretong solusyon.
“Doktor siya, so dapat alam niya na hindi lahat ng sakit nadadaan sa sigaw. Ganoon din sa gobyerno. Hindi lahat ng problema sa health financing nadadaan sa resignation demand,” dagdag ni Garin.
Matatandaang nanawagan si Leachon sa social media na magbitiw si Recto dahil sa umano’y “defunding” ng PhilHealth, hindi pagbaba ng excise tax sa langis, at papel nito bilang “author” ng Expanded Value-Added Tax (EVAT).
Depensa naman nina Batangas Rep. Gerville Luistro at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, hindi makatarungang isisi lamang kay Recto ang mga polisiyang dumaan sa Kongreso at sa buong machinery ng gobyerno.
“Calling for resignation is the easiest line to throw kapag ayaw mong harapin ang mahirap na bahagi ng pamamahala,” ayon kay Luistro.
Giit pa niya, mas mahalagang tutukan kung paano mapapalakas ang PhilHealth benefits kaysa gawing “personality attack” ang usapin.
Sinabi naman ni Zamora na dapat makatulong ang public health advocacy upang maunawaan ng publiko ang mga opsyon ng pamahalaan sa halip na magdulot ng takot gamit ang “half-context claims.”
“Public health advocacy should help people understand the choices before government. It should not scare them with half-context claims that make anger easier than understanding,” pagtatapos ni Zamora.
(TINA MENDOZA)
87 