SUPORTADO ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang magbibigay ng mas malinaw na proteksyon sa sahod ng mga manggagawang binabayaran batay sa output o “pakyawan workers” na kadalasang tumatanggap ng sahod na mas mababa sa itinakdang minimum wage.
Kabilang si Cayetano sa mga senador na pumirma sa Senate Bill No. 82 o “Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act” na inakda ni Senator Raffy Tulfo.
Layunin ng panukala na palakasin ang pasahod at dignidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mas mahigpit na panuntunan sa pagkalkula at pagpapatupad ng output-based wages.
“As part of honoring God and building communities through good governance, the State must promote human dignity in the labor sector and create a system where all persons are given the chance to thrive and rise,” ani Cayetano.
Tinutugunan ng panukala ang mga puwang sa sistema na nagiging dahilan upang may mga manggagawang makatanggap ng sahod na mas mababa sa minimum wage kahit buong araw na nagtatrabaho.
“The hope of building a just and humane society will begin once we look beyond simply providing a minimum wage and start aiming for a living wage for all Filipinos,” dagdag pa ng senador.
Sa ilalim ng panukala, obligadong tiyakin ng mga employer na makatatanggap ang pakyawan workers ng sahod na hindi bababa sa umiiral na minimum wage alinsunod sa Republic Act No. 6727.
Ipinag-uutos din ang pagsasagawa ng Time and Motion Study (TMS) bago ipatupad o baguhin ang anumang piece-rate system.
Kailangan ding magsumite ng aplikasyon ang employer, manggagawa, o unyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board, kung saan magiging batayan ng opisyal na Piece-Rate Orders ang resulta ng TMS upang ma-standardize ang bayad batay sa output.
Nakasaad din sa panukala ang dalawang random inspection kada taon at obligadong presensya ng kinatawan ng mga manggagawa sa inspeksyon upang mabantayan ang aktuwal na kondisyon sa trabaho.
Naglalatag din ito ng graduated administrative penalties laban sa mga lalabag kabilang ang underpayment, hindi pagbabayad ng benepisyo, at hindi pagsunod sa wage orders.
Iniugnay naman ni Cayetano ang panukala sa kanyang mas malawak na adbokasiya para sa labor reforms kabilang ang mungkahi niyang pagbuo ng labor commission na magpapabilis sa pagresolba ng mga hinaing ng mga manggagawa.
“It’s not enough that we raise people’s pay by a small fraction. If we want real change, give people a more reasonable standard of living. Kailangan ngayon ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon para sa bawat manggagawang Pilipino,” giit ni Cayetano.
94 