“PONDO sa mga oo. Kaso sa mga hindi. Ganyan ba ang basehan sa pagboto?”
Ito ang tanong ni Atty. Ariel Inton kaugnay ng mga alegasyong may umiikot umanong pera sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang matiyak ang paggulong ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Inton, maging ilang miyembro umano ng Kamara ay naniniwalang may “kampanya gamit ang dagdag pondo o pananakot ng pagsampa ng kaso kapalit ang boto” para sa darating na impeachment vote sa plenaryo.
Aniya one-third vote o 106 boto ang kailangan upang maaprubahan at maisampa sa Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Duterte.
Gayunman, sinabi ni Inton na pinagsisikapan umano ng mga anti-Sara forces na makakuha pa ng mas mataas na bilang ng boto upang maipakita na malakas ang kaso laban sa Bise Presidente.
“Numbers game pa rin,” ani Inton.
Dahil dito, nagpahiwatig ang abogado na maaaring panahon na upang amyendahan ang Saligang Batas pagdating sa proseso ng impeachment laban sa presidente at bise presidente.
Ayon pa kay Inton, nalalagay umano sa kamay ng iilan ang kapangyarihang magpatalsik sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Inihalintulad niya ito sa recall elections para sa mga lokal na opisyal tulad ng mayor at gobernador kung saan may direktang partisipasyon ang mga botante.
“Kung sa lokal na opisyal tulad ng mayor at gobernador ay may recall elections bago tanggalin ang incumbent kung saan may partisipasyon ang mga botante, di ba’t higit na ganoon din dapat sa presidente at vice president?” pahayag niya.
Kinuwestyon din ni Inton kung para nga ba sa bayan ang impeachment process kung wala umanong direktang partisipasyon ang taumbayan o kung para lamang ito sa interes ng iilan upang mapanatili ang kapangyarihan.
83 