NAGKAISA ang mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na pabalikin na ang lahat ng uri ng transportasyon sa lansangan dahil umaabot umano sa 1.7 milyong pasahero ang naiistranded araw-araw dahil limitado ang bilang ng public transport na pinapayagang bumiyahe sa panahon ng pandemya.
Naniniwala ang mga kongresista na ang pagdaragdag ng public transport tulad ng mga jeepney ang tanging paraan para maipatupad ang social distancing.
Sa pulong ng mga mambabatas na pinamunuan ni House ways and means committee chairman Joey Salceda, sinabi ni Marikina Rep. Estella Quimbo na 54% sa 3.1 million manggagawa sa Metro Manila ang umaasa lamang sa public transport.
Nangangahulungan na 1.7 million ang stranded araw-araw sa mga lansangan dahil limitado ang bilang ng mga sasakyan na pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) na bumiyahe.
Inayunan naman ito ni House transportation committee chairman Edgar Mary Sarmiento dahil 34% lamang umano sa pampasaherong jeep (PUJ) at 85% sa city buses ang pinayagang bumiyahe.
“Out of the 50,000 jeepneys in Metro Manila, only 17,000 are operating. On the other hand, only 3,900 buses out of the 4,600 city buses are plying their routes,” ani Sarmiento.
Samantala, sa pagdinig naman sa budget ng DOTr sa Kamara, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra na walang phaseout na mangyayari sa PUJ sa panahon ng pandemya.
Gayunman, tuloy umano ang modernization program ng gobyerno upang maisaayos ang mga pagkakamali umano ng mga nakaraang lider ng bansa sa sektor ng transportasyon. (BERNARD TAGUINOD)
