TUMAAS ng apat na beses ang bilang ng mga namatay dahil sa iba’t ibang sakit bukod sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buwan ng Marso at Abril.
Ito ang sinabi ni Secretary Carlito Galvez Jr. sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.
“Ayon po sa datos, meron po tayong top 10 leading causes of death in the Philippines at nakita po natin dito ‘yung heart disease, ‘yung cancer, chronic respiratory illness, saka diabetes,” ayon kay Galvez.
“Sa ating datos no’ng March saka April, times four po ang casualty natin sa mga non-COVID cases kaya ang ginagawa natin sa estratehiya natin ay pinalalakas natin ‘yung preparation natin sa mga renal patient katulad po no’ng ginawa natin sa Cebu,” dagdag na pahayag ni Galvez.
Sa kabilang dako, humirit si Pangulong Duterte ng visual diagram sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa isinusulong ngayong pagbabawas ng physical distancing sa mga pampublikong transportasyon.
Giit ng Pangulo, kung anoman ang mapag- uusapan at mapagkakasunduan ng IATF tungkol sa usapin ay magawan sana ng visual diagram para madali niyang maunawaan ang mungkahi.
“Make the visual diagram for the — itong so many meters taken away from the one-meter distance that we have been imposing,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.
Sinabi naman ng Punong Ehekutibo na magbabase pa rin siya sa report at mabubuong rekomendasyon na pag-uusapan ngayong araw ng IATF.
Hati kasi ang opinyon ng ilang miyembro ng gabinete tungkol sa pagbabawas ng social distancing sa public transport.
Tutol sa set up sina DOH Secretary Francisco Duque at DILG Secretary Eduardo Ano habang wala namang nakikitang problema si Chief Implementer Carlito Galvez sa pagdaragdag ng commuters na una nang inirekomenda ng DOTr. (CHRISTIAN DALE)
179