TINUKOY na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng apat na tauhan ng Philippine Air Force na sakay ng bumagsak na chopper kahapon sa Lantawan, Basilan.
Kinilala ang mga biktima na sina Major Jessie Miller, 1LT Mack Ferrer, SSg Miguel I Bañas Jr., at A2C Benedicto B Leal Jr.
Ayon sa inisyal na report, ang masamang panahon ang isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng military chopper.
Ala una ng hapon ng Miyerkoles nang bumagsak ang helicopter ng Philippine Air Force 505th Search and Rescue Group na may tail number 202 sa Barangay Upper Manggas sa bayan ng Lantawan.
Papunta sana ng Zamboanga ang nasabing aircraft mula Jolo para sa isang humanitarian mission nang maganap ang sakuna.
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command ang sakuna. (JESSE KABEL)
140
