Ni Atty. Vic Rodriguez
Publisher
WASAK kung isasalarawan ang promising future ng mga basketbolistang iskolar ng University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers sa ginawang ‘Sorsogon Bubble’ ng dati nitong coach Aldin Ayo.
Matatandaan na noong Agosto ay nabisto ang ginawang paglabag ni Ayo at ng koponang UST Tigers sa ipinatutupad na health, safety and security protocol ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF para mabawasan ang paglobo ng corona virus 2019.
Imbes na tumalima ay palihim na ikinuwadra ng iresponsableng coach ng UST Tigers ang mga batang manlalaro para magsagawa ng sikretong ensayo sa isang bagong renovate na pribadong gym ni Ayo sa probinsiya ng Sorsogon.
Malinaw na itinakas ni Ayo ang mga kawawang student athletes mula sa Espanya campus papuntang Sorsogon sa pagpirma ng mga pobreng atleta pati ng kanilang mga magulang ng isang waiver form kagaya ng napabalita.
Ilang lingo na ang nakalilipas ay tikom pa rin ang bibig ng IATF o ng pamahalaang Duterte kung ano ang resulta ng kanilang naging imbestigasyon at anong aksyon nito laban sa paglabag ni Ayo sa health and safety protocol.
Inunahan ni Ayo ng pagbibitiw bilang head coach ng UST Tigers bago pa man ipinataw ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) ang parusa nitong indefinite ban laban sa kanya sa lahat ng mga liga, events at venue kung saan may mga palaro o aktibidad ang UAAP.
Mistulang ingrato at naglayasan ang halos lahat ng manlalaro ng UST Growling Tigers at nagsilipat sa iba’t ibang unibersidad matapos uminit ang usapin at kontrobersiya dulot ng sumabog na bubble ni Ayo.
Bunsod nito, lalong umigting ang pagbabantay ng marami sa kung anong kalalabasan ng imbestigasyon ng IATF at kung anong kaso ang isasampa laban kay Ayo, sa UST at school officials, mga batang manlalaro pati na sa mga magulang nito.
Sa ginawang pag-abandona ni Ayo at mga dating manlalaro nito sa koponan ng UST dapat ay magkaisa ang parehong premyadong collegiate leagues na UAAP at National College Athletic Association o NCAA sa pagpataw ng mabigat na kaparusahan sa mga ito at tratuhing aggravating circumstance ang paglayas ng mga ito sa UST sa gitna ng krisis na hinaharap ng unibersidad dala ng bulilyaso ni Ayo.
Sapat ang one year ban sa lahat ng mga sangkot na players bukod sa isang taon na residency bago payagang paglaruin sa parehong liga ng UAAP o NCAA man ang mga delingkwenteng atleta.
Pag nagkaganoon malinaw na wasak ang magara sanang kinabukasan ng mga batang manlalaro na sangkot sa Ayo bubble subali’t ganun talaga at hindi sila dapat makalibre o basta na lang maabswelto sa anomang parusa dahil lamang sa simpleng paglayas at pag-abandona sa koponan ng UST dahil minsan din naman silang kinalinga at inalagaan nito.
Lifetime ban naman sa UAAP, NCAA, PBA at iba pang amateur o professional league man ang dapat ipataw kay Ayo dahil inilagay nito sa panganib at kapahamakan ang buhay at kinabukasan ng mga batang atleta.
Walang pinagkaiba ang ginawa ni Ayo sa mga nauna nang lumabag sa umiiral na IATF guidelines o protocol. Marami nga ay nakulong, nakasuhan, pinagmulta, at ang ilan ay namatay sa kamay ng mga nagpapatupad nito.
Wala rin dahilan kung bakit iba ang dapat na maging trato kay Ayo at mga dating manlalaro ng UST Growling Tigers, walang exempted sa pagpapatupad ng batas maging sikat o ordinaryong tao ka lang, pantay-pantay at walang palakasan dahil no one is above the law at crime does not pay.
165 