DAPAT kasuhan na ngayon pa lamang ng pamahalaan ang mga narco politician.
Ito ang hirit ni Davao Oriental Rep. Mayo Almario dahil isang taon na lamang ay maghahain na ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga politiko para sa 2022 general election.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing panawagan sa gobyerno dahil kahit panahon ng pandemya ay laganap pa rin ang ilegal na droga patunay ang milyun-milyong halaga ng shabu na nahuhuli ng mga otoridad.
“If there is sufficient evidence against the so-called ‘narco-politicians’, cases must be filed way ahead of the filing of certificate of candidacies on October 2021 for the 2022 general elections, otherwise the delay might be misconstrued as politically motivated,” ani Almario.
Magugunita na noong Marso 2019 ay isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga politiko na sangkot umano sa ilegal na droga na kinabibilangan ng mga mayor, vice mayor, konsehal at ilang congressman.
Ang paglalantad ni Duterte sa pangalan ng mga politiko na sangkot umano sa ilegal na droga ay bahagi ng kanyang pinaigting na kampanya mula nang maupo ito bilang pangulo noong Hunyo 2016.
Gayunman, may ilang pinangalanan si Duterte na inalis na umano sa listahan dahil sa pagkakamali sa pagdawit sa mga ito.
“Now is the best time to intensify the national government’s drive against illicit drugs. People are getting anxious and some ‘narco-heads’ might exploit the growing weariness of its client base by expanding their market and sell more narcotics in the Philippines,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
130 