NADAKIP ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ng Taguig City makaraang magbenta ng P340,000 halaga ng umano’y shabu sa Lakefront, Sucat, Muntinlupa City dakong alas-4:40 ng hapon noong Biyernes.
Sa record mula sa Muntinlupa City Police, dumayo sa pagtutulak ng ilegal na droga sa lungsod ang suspek na kinilalang si Dexter Casan, 20, taga-JDO Street, Maharlika Village, Taguig City.
Makaraang makumpirma ang illegal activities ng suspek ay ikinasa ang operasyon ng Muntinlupa SDEU, na pinamumunuan ni P/Maj. Peter C. Aquino, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek,
Nakumpiska mula sa suspek ang limang plastic sachet ng umano’y shabu na may timbang na 50 gramo at tinatayang P340,000 ang street value.
Nakakulong na ang suspek sa Muntinlupa City Police Station custodial facility habang inihahanda ang kasong isasampa sa kanya na paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)
244
