Sa kabila ng mga alegasyong korapsyon BADYET NG PHILHEALTH SA 2021, P71-B – DBM

ITINAAS ng Department of Budget and Management (DBM) sa P71 bilyon ang suportang badyet ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHeath) para sa 2021 kahit P15 bilyon ang pinaniniwalaang pondo ang nawala rito sa nakalipas na isang taon.

Batay sa rekord, halos tatlong beses ang nasabing P71 bilyon mula sa P27 bilyong inilaang pondo ng DBM sa PhilHealth para sa 2020.

Ang lohika sa pagtaas sa P71 bilyon mula sa P20 bilyon sa pondo ng PhilHealth galing sa pambansang pamahalaan ay dahil batay sa magkahiwalay na imbestigasyong inilunsad ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay umabot sa P145 bilyon ang nawala sa PhilHealth mula noong 2008.

Nang kumpirmahin ni DBM Secretary Wendel Avisado kay Senate President Vicente Sotto III ang P71 bilyon, tiniyak naman ng huli na walang ipag-aalala ang mga kasapi ng PhilHealth dahil babantayin na ito ng pamahalaan.

Ang pera ng PhilHealth mula sa bigay ng pambansang pamahalaan, hulog ng mga kasapi nitong mga manggagawa sa bansa at ibang bayan ay napakahalaga ngayon dahil ang PhilHealth ang magsasakatuparan ng programang Universal Health Care (UHC) para sa lahat ng Filipino.

Laman at layunin ng UHC na tiyaking patas at pantay-pantay na makaranas ng mayroong kalidad at murang pagpapagamot ang lahat ng Filipino.

Ani Sotto, aantayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng paglilinis sa PhilHealth ng bagong pangulo at CEO nito na si Atty. Dante Gierran hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.

Kapag nanatili ang korapsyon ay saka lamang ipagpapatuloy ang desisyon ni Duterte na buwagin, o ibenta na, ang PhilHealth.

Si Gierran ay retiradong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI). NELSON S. BADILLA

189

Related posts

Leave a Comment