Inilutang ng mambabatas CHINA MAKIKIALAM SA 2022 ELECTION?

HINDI isinasantabi ng mga progresibong mambabatas sa Kamara na makikialam ang China sa 2022 presidential election upang mapanatili ng mga ito ang kanilang impluwensya sa Pilipinas at hindi sila habulin sa kanilang ilegal na pag-okupa sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kina ACT party-list Rep. France Castro at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, maraming indikasyon at senyales na makikialam ang China sa susunod na presidential election tulad ng mga Facebook account na nakabase sa Fujian, China na sumusuporta sa presidential bid ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang mga nasabing account ay kabilang sa mahigit 100 accounts na inalis ng pamunuan ng Facebook kamakalawa na kinabibilangan ng mga pekeng account umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Pinatunayan na dun sa ibinulgar ng Facebook na sangkot ang China mismo. May mga account, may network na nagmula sa China na ire-raise-up ang kandidatura ng anak ng Presidente sa susunod na eleksyon,” ani Castro sa virtual press conference.

Sa panig naman ni Zarate, hindi na ito magtataka na makialam ang China sa susunod na halalan dahil malaki ang interes nila sa ating bansa lalo na sa WPS na kanilang ilegal na inokupahan.

Dahil dito, hinamon nito ang mga social media regulator sa bansa at maging sa Facebook na maging pro-active sa laban sa mga ganito aniyang accounts at networks upang hindi maimpluwensyahan ng sinoman ang eleksyon sa bansa.

Samantala, iginiit din ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na ang National Bureau of Investigation (NBI) o kaya ang Office of the Ombudsman ang dapat mag-imbestiga sa mga fake account sa AFP at PNP.

Ayon kay Gaite, walang mangyayari kung ipaubaya sa AFP at PNP ang pag-iimbestiga sa kanilang hanay.

Social distancing

Samantala, hindi kailangang ipagpaliban ang 2022 election dahil sa coronavirus diseases 2019 o COVID-19 dahil social distancing lamang ang sagot sa problemang inilutang ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo.

Ito ang pahayag ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na kabilang sa mga mambabatas na tumututol na ipagpaliban ang election sa 2022.

“I-implement lang mabuti ang social distancing sa mga [poll] precints,” ani Rodriguez kung saan iminungkahi nito na imbes na 12 botante ang pinapayagan na sabay-sabay bumoto sa isang presinto ay gawin na lamang itong 5.

Ayon sa mambabatas, may panahon pa ang Commission on Election (Comelec) para planuhin ang ipatutupad na health protocols sa mga presinto pagdating ng araw ng eleksyon.

Kaibigan

Sa kabilang dako, panahon na para tanungin ng Pilipinas kung kaibigan ba talaga ang turing dito ng China.

Ginawa ni House committee on justice vice chairman Alfredo Garbin ang pahayag matapos muling igiit ng China sa pamamagitan ng kanilang Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian na hindi nila kinikilala ang Hague-based Permanent Court of Arbitration (PCA) ruling na pag-aari ng Pilipinas ang mga inokupahan nilang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

“Kapag nagpatuloy ang ganitong pasaring at pangbabastos, marahil napapanahon na na tanungin natin ang sarili natin kung sino ba talaga ang tunay na kaibigan at kung sino ang totoong kaaway ng Pilipinas,” ani Garbin.

Sa katatapos na General Assembly ng United Nations (UN), hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sa lahat ng bansa na ipatupad ang PCA ruling noong Hulyo 16, 2016 na pag-aari ng Pilipinas ang mga teritoryong sinakop ng China sa South China Sea.

Gayunpaman, tila nambastos umano ang China sa kanilang harap-harapang pahayag na hindi nila kinikilala ang nasabing ruling at nagkaroon na umano ng pag-uusap sina Duterte at Chinese President Xi Jinping na isantabi ang usapin upang hindi masira ang relasyon ng dalawang bansa. (BERNARD TAGUINOD)

189

Related posts

Leave a Comment