BINISITA ni Philippine Navy Flag Officer In Command, Vice Adm. Giovanni Carlo Bacordo ang dalawang gas platforms sa northwest Palawan nitong nakalipas na linggo na magsisilbi umanong monitoring station.
Plano ng Armed Forces of the Philippines na i-convert ang dalawang retired gas platforms – ang Nido at Matinloc na nasa Malampaya para gawing PN Littoral Monitoring Stations (LMS) na tututok din sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Sinasabing ang lokasyon ng dalawang dating gas platform ay ‘strategic and vital’ dahil malapit lamang ito sa Recto Bank, Malampaya at Galoc Gas Fields.
Ang Malampaya Gas Field ay nasa 820 metrong lalim, 80 kilometro mula sa dalampasigan ng Palawan na nasa area of responsibility (AOR) ng Naval Forces West.
Ayon kay Vice Admiral Bacordo, “This inspection intends to look at the viability of these retired gas platforms to be converted to observation posts for Recto Bank and Malampaya gas platform.
This will further enhance our capability to protect our maritime interests in these strategic locations.”
Nabatid na inihinto na ng Department of Energy (DOE) ang mahigit 40 taong production operations ng dalawang gas fields.
Inalok ng DOE ang transfer of ownership ng 2 platforms sa National Task Force sa West Philippine Sea. Nasa kamay ng DND kung kukunin nila ang mga ito at ilipat sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bago ang inspection, dinalaw muna ng navy chief ang headquarters ng Joint Task Force (JTF) Malampaya sa El Nido, Palawan kung saan pinagkalooban ito ng Foyer Honor sa kanyang pagdating at binisita ang mga tauhan doon sa pangunguna ni Naval Forces West commander, Commodore Renato David at 3rd Marine Brigade commander, Brig. Gen. Nestor Herico. (JESSE KABEL)
