Kaugnay nito, maghaharap ngayong araw sa Palasyo ng Malacañang sina Cayetano at Velasco hinggil sa usapin ng Speakership.
Ito ang napag-alaman sa isang impormante sa Kamara kung saan mamamagitan na umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang linggong girian sa Speakership.
“Ipinatawag sila [Cayetano at Velasco] sa Malacanang bukas [ngayong araw]. Siguro aayusin ang gusot nila,” ayon sa impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.
Ang pagpapatawag sa dalawa ay kasabay ng ‘pagpako’ ng may 202 majority congressmen na pumirma sa isang manifesto na sumusuporta na ituloy ni Cayetano ang pamumuno sa Kamara hanggang sa Hunyo 30, 2022.
Bukod ang nasabing bilang sa hiwalay na manifesto ng 16 Minority congressmen sa pangunguna ni House minority leader Bienvenido Abante na huwag nang baguhin ang liderato ng Kamara.
“As the Majority reflects on the question of leadership, the Minority prays for their strength and enlightenment in order that they be reminded to always put the interests of the Filipino people above their own,” ayon sa manifesto ng minorya na tutol sa pagpapalit ng liderato ng Kamara.
Kung hindi ibibilang ang 6 na progresibong mambabatas na walang sinusuportahan kina Cayetano at Velasco bilang speaker, ay 78 lamang ang sumusuporta sa speakership ni Velasco. (BERNARD TAGUINOD)
496
