DUTERTE HANDA NANG LUSAWIN ANG PHILHEALTH

HANDA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipanukala sa Kongreso na i-abolish na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng alegasyon ng malawakang korapsyon sa state health insurer.

“Itong PhilHealth, I am going to propose to Congress to abolish the— Kung i-privatize mo naman, susmaryosep, walang pera. Sinong insurer niyo? Sabihin ng mga kapitalista sa insurance, ‘kami ang magbayad? Wala kayong pondo,'” ayon sa Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Tinukoy ng Punong Ehekutibo ang kakulangan ng pondo ang dahilan kung bakit nagbebenta na ang Pilipinas ng ari-arian nito sa Japan.

“That’s the reason why we are selling properties, real estate properties in Japan because we have to raise money.

Wala nang pambayad diyan sa PhilHealth na ‘yan kaya walang ibang remedy diyan, it must be a surgical move,” ayon sa Chief Executive.

Nais din ni Pangulong Duterte na magkaroon ng malawakang balasahan sa PhilHealth.

“Hindi na puwedeng itong mga tao na ito there already. Entrenched na.

Talagang either I’m going to revamp, consider everybody resigned there and if there’s the structure we can slowly rebuild,” diing pahayag ng Pangulo.

Matatandaang, inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng Task Force PhilHealth na sampahan ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal ng health insurer kabilang ang nagbitiw na si dating PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales.

“I have to read this because first, the issue of PhilHealth corruption was really an important issue to the Filipinos and everybody,” ani Pangulong Duterte.

Bukod kay Morales, pinakakasuhan din sina Senior Vice President (SVP) at Chief Information Officer Jovita V. Aragona, senior Information and Communication Technology officer Calixto Gabuya Jr., Executive Vice President at Chief Operating Officer Arnel De Jesus, SVP Ernesto Limiasco Jr., SVP Israel Pargas, at Division Chief Bobby Crisostomo.

Ang mga nabanggit na opisyal ay nagpabaya umano at mahaharap sa kasong administratibo at kriminal sa ilalim ng Republic Act (RA) 1319 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Law at Revised Penal Code.

40 opisyal
iniimbestigahan

Kaugnay nito, tinatayang may 40 opisyal ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ang iniimbestigahan ngayon at nakatakdang kasuhan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay sa anomalya sa state insurer.

Kabilang sa mga opisyal ay mga miyembro ng PhilHealth board of directors at regional executives.

“We have, I think, around 40, as I checked noong nakaraang linggo, 40 names being investigated ng PACC,” ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Belgica ang mga personalidad na ito, ay plano naman ng PACC na magsampa ng kaso laban sa corrupt o tiwaling opisyal ng PhilHealth sa Office of the Ombudsman.

“Tuluy-tuloy na po ang investigation namin and yes, we will be filing cases to the Ombudsman in person,” ayon kay Belgica. (CHRISTIAN DALE)

191

Related posts

Leave a Comment