P45-M SHABU NASABAT SA HVT DRUG DEALER

AABOT sa anim na kilo ng ilegal na droga ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Central Visayas kasunod ng isinagawang counter illegal drug operation nitong Lunes sa Cebu City.

Sa ulat na ipinarating na ulat sa tanggapan ni PNP Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ng PNP Region 7, tinatayang aabot sa P45 milyon ang street value ng suspected ‘shabu’ na nakumpiska sa dalawang itinuturing na high value drug suspects.

Isinagawa ang anti-illegal drug operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya mula sa Cebu City Police Office.

Kinilala ang mga nadakip na sina Reynaldo Si-it Atillo, 47, at Reynante Tacatani, 36, kapwa nasakote sa Fatima Homes, Barangay Inayawan.

Si Tacatani ay nahulihan ng limang kilo ng shabu habang isang kilo naman ang nakuha sa pag-iingat ni Atillo.

Sa datos na hawak ng PNP Region 7, si Tacani ang tinaguriang “main disposer” at “direct contact” ng isang kinikilalang “Jao” na itinuturing na pinuno ng isang drug ring na nagpapakalat ng droga sa Metro Cebu. (JESSE KABEL)

71

Related posts

Leave a Comment