BINUKSAN na sa publiko ng Department of Health (DOH) sa rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang isang quarantine facility para sa mga pasyente ng COVID-19
Ayon kay DOH-CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo, ang pagbubukas ng quarantine facility sa Lipa Academy of Sports, Culture, and Arts (LASCA), katabi ng KLL sa Barangay Dagatan, Lipa City, Batangas, ay akma sa mga resulta ng Red Cross testing laboratory sa lungsod na kung sakaling magpositibo ang isang pasyente sa COVID-19 ay agad na ilalagay sa quarantine facility upang hindi na ito makahawa pa.
“Ang importante ay mahinto ang pagkalat ng COVID sa komunidad. Our goal of establishing quarantine and isolation facilities in every province/municipality is to slow the spread of the virus para ‘yung mga taong nangangailangan ng medical attention will not overwhelm the hospitals in the area at dito natin sila aalagaan at ilalagay,” pahayag ni Janairo.
Ang naurang pasilidad ay may 128 isolation rooms na inilaan para sa mga pasyente lamang ng COVID-19.
Hindi rin ipinapayo ng Provincial Government ng Batangas ang home quarantine at magpapatupad sila ng ordinansa laban dito at magdaragdag ng mas maraming pasilidad ng gagamitin ng mga pasyente.
Ang CALABARZON ay may naitalang 39,642 kaso, 21,811 dito ay recoveries at 929 ang namatay habang ang Batangas ay may kabuuang 7,015 kaso ng COVID, 2,857 dito ay active cases, 3,985 ay recoveries at 173 ay namatay.
Ang LASCA Quarantine/Isolation Facility ay naitayo sa pagtutulungan ng city local government ng Lipa, sa pamumuno nina Mayor Eric Africa, Congresswoman Vilma Santos-Recto, Senator Ralph Recto at DPWH 4th District Engineering Office at ng Jesus V. Del Rosario Foundation, Inc. (SIGFRED ADSUARA)
75