NANANATILING nakatuon ang pansin ng pamahalaan sa mga tinamaan ng COVID-19 na nasa severe o critical category.
Ito ang binigyang diin ng Malakanyang sa gitna ng ulat na lumabas kamakailan na pang dalawampu na sa ranking ang Pilipinas bilang may pinakamaraming kaso ng covid sa buong mundo.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sa kabila ng pagdami ng kaso ay mahalaga pa rin dito ay natututukan naman ang pangamba ng marami na baka sila ay mamatay sa virus.
Kung tutuusin aniya ay mababa pa rin kung ikukumpara ang critical mortality rate ng Pilipinas sa ibang mga bansa na nasa 1.75% lamang at ang nasabing datos ay isang kahayagan na maayos ang pangangalaga sa mga nasa severe at critical cases.
“Still look at the critical mortality rate, we are still at 1.75% which means that although the numbers are up, we are able to take care of those who get severely or critically ill.
And that, I think, what matters most ‘no because in a pandemic, the fear is that many of us will die,” anito.
Aniya pa, malaki na ang naging improvement sa critical care capacity ng bansa at alam na rin aniya ng medical authorities kung paano pangangalagaan ang covid patients.
FULL OPERATION
Kaugnay nito, panatag ang Department of Trade and Industry (DTI) sa desisyon nitong payagan ang ilang mga negosyo na mag-operate na in full capacity sa gitna ng pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemyang dala ng COVID-19.
Ang katwiran ni Trade Secretary Ramon Lopez ay dahil gumaganda na ang critical utilization care sa bansa at mababa ang COVID-19 mortality rate na ibig sabihin ay napananatili na ng publiko ang disiplina at pagsunod sa minimum health standards.
Sinabi ng Kalihim na sa lalo pang pagbubukas ng mga negosyo, di makokompromiso ang kaligtasan ng publiko dahil susundin naman ang minimum health standards.
At sa oras aniya na biglang sumipa ang kaso ng COVID-19, ipatutupad ang localized o granular lockdowns at magsasagawa ng intensive contact tracing efforts. (CHRISTIAN DALE)
206 