Hirit na P1.61-B budget hinarang sa Senado MILYONES SA FOREIGN TRIPS, CONFIDENTIAL FUNDS NI CALIDA SINITA

IPINAGPALIBAN ng Senate Finance Committee ang pag-apruba sa panukalang P1.61 bilyong 2021 budget ng Office of the Solicitor General makaraang hindi maipaliwanag ang ilang malalaking alokasyon kabilang ang biyahe-abroad.

Sa budget hearing, pinuna ni Senador Francis Tolentino ang mas mataas na alokasyon ng OSG sa kanilang travel and confidential funds gayundin ang milyong halaga ng allowances ni Solicitor General Jose Calida.

“Kasagsagan pa next year ng COVID-19. Saan naman kayo mag-po-foreign travel?” saad ni Tolentino makaraang matukoy na 87.75 percent ng proposed P21.49-million travel budget ng OSG ay para sa foreign trips.

“Ngayon, malaki pa hinihingi niyo. Hindi ko alam saan kayo magtra-travel,” dagdag pa ni Tolentino.

Kinuwestyon din ng senador ang confidential fund ng OSG sa susunod na taon na tumaas sa P20 million mula P5 million gayung wala naman sa mandato nito na gumastos ng confidential funds.

Ipinaalala ni Tolentino na ang confidential fund ay maaari lamang gastusin sa mga programa sa national security at peace and order.

“I don’t see paano magkakaroon ng national security, and peace and order budget ang inyong office,” diin nito.

Sinabi naman ni Assistant Soliciotor General Henry Angeles na ire-realign ang kanilang proposed travel budget sa pagsasaayos ng luma nilang gusali sa Makati City.

Dahil naman wala sa pagdinig si Calida bunsod ng rekomendasyon ng kanyang doktor na magpahinga ng limang araw, si Angeles ang piniga ng senador sa impormasyon na ang Solgen ay kabilang sa highest paid government officials sa mga nakalipas na taon.

“Bakit nangyari ito… Baka nag-increase ang budget ng SolGen, tapos sa kaniya (Calida) lang napupunta?” tanong ni Tolentino.

Ipinaliwanag naman ni Angeles na awtorisado ang SolGen na makatanggap ng allowance mula sa mga client agencies nito na agad kinontra ni Tolentino at idiniin na naglabas ng kautusan ang Commission on Audit (COA) na nagsasabing ang allowance ng mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat lalagpas sa kalahati ng kanilang sahod.

“COA has been asking you not to raise that to more than 50 percent (of his salary), and apparently the SolGen has defied that,” diin ni Tolentino.

Sinita rin ng senador ang paggastos ni Calida sa mga preliminary investigation at fact-finding activities.

“The government is spending for your expenditures for preliminary investigations, fact-finding activities which is outside your mandate,” diin ni Tolentino. (DANG SAMSON-GARCIA)

171

Related posts

Leave a Comment